215 total views
Mga Kapanalig, mahigit isang linggo na ang nakararaan nang 14 na magsasaka ang pinatay sa Negros Oriental sa loob lamang ng isang gabi. Naganap sa iba’t ibang bayan ang sabay-sabay na operasyong isinagawa ng mga pulis at sundalo sa probinsya bilang bahagi ng Oplan Sauron, ang anti-criminality drive ng mga awtoridad kontra loose firemarms.
Masaker ang tingin ng marami sa nangyari, bagay na itinanggi ng PNP. Bitbit daw ng mga pulis at sundalo ang 36 na search warrants nang isinagawa nila ang mga operasyon sa iba’t ibang bayan sa buong Negros Oriental. Maliban sa mga napaslang, mayroon silang nadakip na 16 pang indibidwal at nakasabat sila ng mahigit 50 armas at pampasabog. Patunay din daw ang isang nasugatang pulis na nanlaban ang mga suspek na humantong sa pagkakapatay sa kanila. Iniuugnay ang mga pinatay sa mga grupong nagpaplano raw na itumba ang mga sundalo at pulis sa lalawigan. Miyembro raw sila o kaya nama’y tagasuporta ng New People’s Army o NPA. Mariing itinanggi ng mga kaanak ng mga pinatay na kasapi ang mga biktima ng rebeldeng grupo.
Sunud-sunod ang mga kumundena sa mga nangyaring pagpatay sa Negros Oriental. Ayon sa isang mambabatas, halos 200 magsasaka na ang napapatay sa ilalim ng administrasyong Duterte. Kabilang rito ang siyam na magsasakang pinaulanan ng bala at pinatay sa Sagay, Negros Occidental noong Oktubre. Hindi pa rin malinaw hanggang ngayon kung sino ang nasa likod ng pagpatay sa mga magsasaka—mga pulis at sundalo ba? Mga rebeldeng grupo? O ang private army ng mga may-ari ng hacienda? Noong Disyembre naman, anim na sinasabing mga magsasaka rin ang napaslang sa Negros Oriental sa mga operasyong bahagi ng Oplan Suron.
Kinundena ng Northern Negros Alliance of Human Rights Advocates ang halos sunud-sunod na pagpatay sa Negros. Ayon sa grupo, may pressure daw sa mga sundalo at pulis na maabot ang kanilang quota bilang bahagi ng kampanya ng pamahalaan laban sa mga komunista sa Negros. Para naman sa National Council of Churches in the Philippines, hindi tamang iugnay agad sa NPA ang mga magsasakang biktima gayundin ang mga indibidwal at grupong pumupuna sa pamahalaan. Nagsasagawa na ng independent investigation ang Commission on Human Rights o CHR sa insidente.
Mga Kapanalig, labing-apat, siyam, anim, o kahit man lang isang taong pinatay at pinagkaitan ng pagkakataong dumaan sa proseso sa batas, mariing kinukundena ng Simbahan ang paglapastangan sa buhay ng tao. Hindi tayo mapapagod na ipaalalang maipatutupad ang batas nang makatao, nang kinikilala pa rin ang dignidad ng taong nais papanagutin sa batas. Nakatungtong ang pagpapahalaga natin sa buhay sa katotohanang lahat ay nilikha ng Diyos.
Hindi rin kailanman mabibigyang-katwiran ang pagpatay para lamang matupad ang nais na mangyari ng pamahalaan. Hindi makakamit ang kapayapaan at hindi matutuldukan ang kriminalidad—gaya ng sinasabing layunin ng Oplan Sauron—sa pamamagitan ng walang habas na pagpatay sa tuwing magsasagawa ng operasyon ang mga tagapagpatupad ng batas. Gaya ng ipinapaalala sa atin ng mga panlipunang turo ng Simbahan, “ang kapayapaan ay bunga ng katarungan.” Huwad ang kapayapaang nakakamtan sa pamamagitan ng pagkuha sa buhay ng iba, lalo na ng mga inosente. Hindi mauubos ang mga kriminal at rebelde kung magbubunga lamang ng mga balo at ulila ang hakbang ng pamahalaan.
Mga Kapanalig, magiging mapayapa at makatarungan ang ating lipunan kung tunay tutugunan ng pamahalaan ang mga ugat ng kahirapang nagtutulak sa mga taong kumapit sa patalim, kung pakikinggan nito ang hinaing ng mga mamamayan, at kung magiging matapat ang mga tagapagpatupad ng batas sa kanilang tungkuling itaguyod ng karapatan ng lahat sa halip na magpaulan ng bala at maghasik ng takot at karahasan.
Sumainyo ang katotohanan.