191 total views
Hinimok ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) ang mga mananampalataya na gamiting pagkakataon ang Mahal na Araw upang makapagnilay at manalangin para sa nalalapit na halalan.
Ayon kay PPCRV National Vice-Chairman for Internal Affairs Johnny Cardenas, magandang oportunidad ang Mahal na Araw upang maisabay sa pangingilin ang pananalangin para sa paggabay ng Panginoon at kaliwanagan ng kamalayan at pagpapasya sa pagpili ng karapat-dapat na ihalal sa nalalapit na Midterm Elections.
Paliwanag ni Cardenas, dapat na masusing kilatisin ng bawat isa ang mga kandidato na tunay na mamumuno sa bayan, mangangalaga sa kapakanan ng mga mamamayan at magbibigay solusyon sa mga suliraning panlipunan.
“Itong Holy Week magnilay, manalangin at bigyang pansin at importansya ang panalangin na sana ang mga Filipino ay makapili ng mga totoong mga leaders na siyang makakasama natin at sila ang bibigyang puder na mangalaga, maging leader, mag-manage ng ating lipunan so mahalaga na sa araw ng pangilin, tayo ay panandaliang tumigil at magnilay, manalangin isama natin sa ating pagninilay ang sana ay pumili at makapili tayo ng karapat-dapat…” pahayag ni Cardenas sa panayam sa Radyo Veritas.
Hinikayat naman ni Cardenas ang mga kandidato na sundin ang panuntunan ng Commission on Elections (COMELEC) na campaign ban sa pagsapit ng Huwebes Santo at Biyernes Santo.
Giit ni Cardenas mahalagang sundin ang nasasaad sa batas na kumikilala sa pagiging sagrado ng Holy Week o Mahal na Araw upang hindi mabahiran ng politika at maipakita ang paggalang sa pananampalataya ng mga Katoliko’t Kristyano.
“Yun bang nire-recognize ng state na kilalanin ang pagiging Holy nung Holy Week kasi nasa batas yan, batas yan so binibigyan rin ng halaga ng batas yung holiness ng Holy Week na huwag masalahula ba ng usaping politika…” Dagdag pa ni Cardenas.
Kaugnay nga nito, nakapaloob sa COMELEC Resolution 10249 kung saan nakasaad ang Calendar of Activities para sa nakatakdang May 13, 2019 Midterm Elections ang Campaign Ban sa ika-18 ng Abril na Huwebes Santo at ika-19 ng Abril na siya namang Biyernes Santo.
Matatandaang ayon kay Pope Francis ang Mahal na Araw ay isang magandang pagkakataon para sa bawat isa na makapagbalik loob sa Panginoon sa pamamagitan ng paghingi ng biyaya ng kapatawaran kay Hesus.