285 total views
Homily
Manila Abp. Luis Antonio Cardinal Tagle
Kapistahan ni St. Lazarus of Bethany
April 7, 2019
Chapel of St. Lazarus, Sta. Cruz, Manila
Mga minamahal na kapatid sa pananampalataya, una po sa lahat nagpapasalamat tayo sa Diyos siya po ang tumawag sa atin, nagtipon sa atin para maging sambayanang nakikinig sa kanyang salita, tatanggap ng kaniyang katawan at dugo at huhubugin ng Espiritu Santo.
Para maging tunay na bayan ng Diyos dito po sa ating kasaysayan. Nagpapasalamat din po tayo sa pagdiriwang muli ng kapistahan ng atin pong Chapel, San Lazaro, kaibigan ni Hesus at kaibigan na nakaranas ng pagpapalaya mula sa kamatayan.
Napakaganda na siya ang patron ng ating Chapel at ng Ospital dahil hinihiling natin na tayo ay mapalaya harinawa sa karamdaman at sa mga iba’t-iba pang nakakaapekto sa ating buhay, kalayaan, liberation.
‘Yan po ang napakagandang aral ng napakagandang pagbasa natin ngayon, at kung makapagsasalita siguro si San Lazaro, sasabihin niya walang katapusang “Amen! Amen! Naranasan ko yan!”
Sa unang pagbasa mula sa propetang Isaias ipinakita kung papano pinalaya ng Diyos ang bayan ng Israel mula sa kanilang pagka-alipin sa Ehipto.
Hindi gusto ng Diyos na mananataling nakapinid sa pagkaalipin ang Israel, inakay Niya. Kaya lang ang Israel nung mapalaya na, bumalik sa kasalanan! Naalipin na naman, pero ang Diyos hindi nag-sawa, inakay na naman towards liberation.
Ang Diyos hindi natutuwa kapag mayroong nakukulong, naalipin, gusto niya bahong buhay mapalaya ang tao.
Tatlo po ang karanasan ni San Pablo sa ikalawang Pag-basa. Si San Pablo, mabuting tao, alam na alam niya ang biblia kaya lang yung kanyang interpretasyon ng salita ng Diyos naging parang kulungan ano po?
Parang kumitid at naging mapanghusga. Sa katunayan si San Pablo noong siya ay si Saul pa lamang, nakiisa sa pang-uusig sa mga Kristiyano dahil nakulong si San Pablo sa makitid na pang-unawa ng salita ng Diyos at ng Batas.
Pinalaya siya ni Hesus at ngayon sabi ni San Pablo sa ikalawang pag-basa yung mga dating kinakapitan niya akala niya napakahalaga, ngayon binitawan niya napalaya na siya.
Ang gusto na lamang niya mapalapit kay Hesus, palagay ko tayong lahat may gan’yan, hindi naman masama mayroon tayong mga kinakapitan, pero dahil kinapitan na natin di natin alam nagiging preso.
Halimbawa cellphone, hindi naman masama ang cellphone, pero maya’t-maya hawak, maya’t-maya tinitingnan, maya’t-maya binabasa, preso na preso! May kausap na nga, kinakausap ng asawa, hindi matingnan yung asawa, doon sa cellphone nakatingin, preso na nga.
Tinatawag ka ng nanay mo pero hindi mo na naririnig kasi nando’n ka na nakatutok d’yan sa cellphone. Mabuting bagay pero naging, preso, at wala na, wala ka nang naririnig, wala nang nakikita.
Mayroon ngang nagtanong, survey, “Kapag naiwanan mo ang iyong wallet at cellphone sa bahay? Ano ang babalikan mo?” Ang sagot ng marami, CELLPHONE! Hindi na baling walang wallet, basta meron akong cellphone.
Ano pa? Pati sa misa nga ina-announce kung maari ilagay sa silent mode, mga ganyan. Kasi nakapag-misa na po ako rinig na rinig ko nag-ring yung telepono,yun pala nagriring yung telepono yung isang naka-upo sa unahan pa, sa unahan, naku consecration, itinataas ko yung ostia.
Sinagot! katatapos lang natin i-bless yung adoration chapel, parang nandiyan si Hesus. Nandiyan ang cellphone sinong uunahin? SI CELLPHONE PARIN! Para hindi ako magalit inisip ko nalang siguro kinukwento niya doon sa kausap niya, “O ayan tinataas na ni Bishop ang ostia.” “O ayan lumuluhod na kami.” Para hindi nalang ako magalit, kasi ayokong mang-husga.
Pero katulad ni San Pablo marami tayong nagsisimula sa mabuting bagay na unti-unti nagiging, preso. Soap Opera, teleserye, maganda naman yon pang libang-libang. Aba, nagiging preso na, hindi na kumakain, hindi na nagluluto ng hapunan, basta makapanuod ng hindi ko na sabihin ang titulo!
At yung mga pinagkwekwentuhan, hindi na yung tunay na buhay. Ang pinagkuwekwentuhan na yung napapanood sa teleserye at ginagaya na sa buhay.
Nagpunta po ako sa Malaysia sa Kota-Kinabalu don pala ay nakukuha nila itong ating mga Filipino channel kasi malapit lang. Napapanood nila ang mga teleserye, kinuwento sa akin noong nagluluto doon. Sabi ko “talaga? really?” sabi niya “Yes we know. Tagalog, dahil nga sa kakapanood ng teleserye sabi ko “ Sige nga” sagot sa akin “Bakit ganyan ang tingin mo sa akin?”
Naku, talagang mga linya sa teleserye pati sa Malaysia ay na-imprison na sila. Gusto ng Diyos liberation, makilala si Hesus at yan po ang karanasan ng babaeng nahuling nakikiapid. Siya ay dinala ng mga dalubhasa sa batas, dinala siya kay Hesus kasi po yung mga nahuhuling nakikiapid na babae noong panahon niya ay automatic kapag nahuli ka, caught in the act, automatic death penalty at babatuhin ka ‘yan ang pagpatay sa iyo, babatuhin ka, hindi ka lamang mamatay physically, mamatay ka sa kahihiyan kasi naka expose yan sa publiko at yun siguro ang mas masakit na kamatayan, yung hiniya ka at ang buo mong pamilya publicly.
Pero tingnan niyo ang ginawa ni Hesus sabi niya, “Kung sino man ang walang kasalanan kayo ang unang bumato” at unti-unti silang umalis pinalaya ni Hesus yung mga Pariseo sa kanilang kayabangan sa kanilang pagmamapuri akala mo sila walang kasalanan kung manghusga ng kapwa.
Alam niyo ayan po ang isang preso natin nakikita natin yung mali ng iba ayaw natin ding aminin tayo ay mayroon ding pagkakamali ang tawag don self-righteousness.
Mga mag-asawa, alam ko may mga may asawa dito. Napapansin ko yan, panahon ngayon ng graduation kapag may honor yung anak pag-umakyat na sa stage sasabihin ng magulang nanay man o tatay “haaay ang anak ko. Tingnan mo yung anak ko honor student.”
Pero kapag sumulat yung principal na ang anak n’yo ay mayroong problema, sasabihin doon sa asawa niya, pumunta ka sa principal, ‘yang anak mo, “yang anak mo may problema!” Kapag honor-honor “anak ko, anak ko!” Kapag problema, “Anak mo na yan!”
Maghuhugas na ng kamay, aba bakit ganun? Kapag maganda, lahat tayo kumakapit para may bahagi doon sa Gloria, kaluwalhatian, pero kapag kasalanan bato tayo ng bato kahit na asawa “Anak mo yan!” Pero kapag ang sulat ng principal “bibigyan po ng awa…rd” hindi sasabihin sa asawa, “Anak Ko, Anak Ko!”.
Lahat tayo nakukulong sa pagmamapuri, kabulaanan, kasinungalingan na ang lahat ng masama nasa kanila. Ako, malinis ako. Sabi ni Hesus “Palalayain kita d’yan” simpleng tanong, “ang walang kasalanan ikaw ang unang tumayo.”
Ang mundo natin ngayon batuhan ng batuhan nang mga kung ano-anong paratang ang nagbabatuhan naman sana aminin “Ako rin hindi malinis” lahat nagmamalinis, wala tayong pupuntahan d’yan lahat tayo ma pe-preso.
Saan, sa kayabangan, sa kasinungalingan. Ang gusto ni Hesus lumaya kayo d’yan at harapin ang katotohanan, at pati yung babaeng nagkasala, pinalaya ni Hesus sabi niya “O nasaan yung mga humuhusga sayo?
“Wala pong natira” sabi niya “Ako rin, hindi kita paruruhasan subalit humayo ka, huwag ka nang magkasala. Hindi naman sinabi ni Hesus “ wala na palang nagpaparusa sayo, sige makiapid ka pa ituloy mo lang yan!” Hindi gano’n ‘yon, malinaw na sinabi ni Hesus, “Hindi kita kinukondena, pero kaya kita hindi kinukondena ay para lumayo ka na, huwag mo nang balikan ang pagkakasalang iyan.
Kung hindi, talagang mapaparuhasan ka kung ikaw na mismo ang babalik at babalik sa pagka-alipin.
Mga kapatid si San Lazaro pinalaya sa kamatayan, ‘yan ang gusto ni Hesus at lahat tayo mayroong kasalanan, lahat tayo may pagka-alipin, lahat tayo may pagkaka-imprisonment. Saan tayo nakakulong? Ano ang umaalipin sa atin?
Sa tulong ng panalangin ni San Lazaro at sa bisa ng salita ni Hesus, sana po lahat tayo mapalaya para makatahak sa bagong buhay na inaalay ni Hesus para sa atin.
At ipanalangin natin ang mga kapatid nating may karamdaman , mapalaya sila sa karamadaman, o kung talagang sa karupukan ng katawan ng tao ay walang lunas sa kanilang karamdaman, harinawa mapalaya sila sa kanilang mga hinanakit, sa kanilang mga sama ng loob, sa kanilang mga galit ,sa kanilang mga pagka-alipin sa isip at kalooban… San Lazaro, ipanalangin mo kami.