234 total views
Ito ang paanyaya ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle kaugnay sa taunang pagdaraos ng Alay Kapwa ng mga simbahan at ng Caritas Damay Kapanalig Alay Kapwa Telethon.
“This is a Lenten campaign pero kung tutuusin kahit na hindi nakapaskil ang programang Alay Kapwa- araw-araw ay dapat na Alay Kapwa. Paalaala, sana hindi lang pang-kuwaresma. Ang programa ay intensification ng isang pang-araw araw sanang bahagi ng ating buhay.” paanyaya ni Cardinal Tagle
Ipinaliwanag ni Cardinal Tagle na ang Alay Kapwa tuwing Semana Santa ay isang programa ng simbahan bilang pagpapaigting sa pagbabahagi ng tulong sa kapwa sa pamamagitan ng iba’t-ibang institusyon ng simbahan.
“At ang Alay Kapwa ay isang paraan ng solidarity, pakikiisa para malaman ng mga taong nagdurusa na hindi sila nag-iisa, hindi sila nakakalimutan. Merong handa na mag-alay na anumang pag-ibig, pagpapakita ng pag-ibig sa kanila. Kaya tulungan natin ang Caritas at ang mga sangay ng simbahan sa pagpapakita ng pag-ibig ni Hesus sa pamamagitan ng Alay Kapwa,” pahayag ni Cardinal Tagle sa panayam ng Radio Veritas.
Inihayag ni Cardinal Tagle na ang Ang Alay Kapwa ay isang paraan ng pagbabahagi ng pag-ibig tulad din ng ginawa ni Hesus na pag-aalay ng kaniyang sarili para sa sanlibutan.
Iginiit ni Cardinal Tagle na ito ay munting paraan ng pagpapakita ng pagdamay sa mga nangangailangan nang hindi sinusukat sa halaga ng ibinibigay kundi pagpapakita ng pagdamay at pakikiisa sa mga biktima ng iba’t ibang kalamidad.
“Ito po ay ispiritwalidad. Kasi ang ginawa ni Hesus ay ialay ang Kanyang buhay. Sabi nga niya ito ang Aking katawan, ang Aking dugo inialay Niya para sa kapwa. Kasi isinugo Siya ng Ama bilang larawan ng pag-ibig at ang pag-ibig ay pag-aalay ng sarili para sa iba. Ang maganda kay Hesus hindi lamang Niya inialay ang sarili Niya para sa mababait sa Kaniya, mabubuti na. Inialay Niya ang sarili Niya para sa lahat. Kasama ang mga makasalanan at tumutuligsa sa Kaniya. Ganyan kabuo ang Alay Kapwa ni Hesus,” mensahe ni Cardinal Tagle.
Ang malilikom na pondo ng Alay Kapwa ay inilalaan sa mga posibleng biktima ng natural at manmade disasters tulad ng digmaan, sunog, lindol, at mga bagyo.
Sa Pilipinas, tinatayang may higit sa 20 bagyo ang karaniwang nanalasa sa bansa kada taon.
Nagsisimula ang telethon alas-6 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi.
Sa mga nais na magbahagi ng tulong maaring tumawag sa 925-7931 hanggang 40.
Noong nakalipas na taon, may P5 Milyon ang nakalap ng Caritas Manila na inilaan sa Damayan Program.
Kabilang sa mga pinaglaanan ng nakalap na pondo ang mga pamilyang naapektuhan ng bagyong Agaton, Josie at Ompong; ang pagsasaayos ng Marawi City dulot ng digmaan; mga lumad sa Mindanao, mga biktima ng pagliligalig ng bulkang mayon at mga biktima ng sunog sa Metro Manila.
Inanyayahan din ni Cardinal Tagle na huwag limitahan ang pagtulong dito sa bansa kundi maging sa iba pang mga bansa na nakakaranas ng kalamidad at digmaan.
“Huwag din po nating kalilimutan na mag-Alay Kapwa sa mga kapatid natin sa ibang bansa na mahihirap din at hindi handa, sanay sa mga disaster. Kaya ang panawagan sa atin dito na mag-Alay Kapwa pero lumabas din tayo sa boundaries ng ating bansa. Maraming tayong kapatid na nagdurusa,” ayon pa kay Cardinal Tagle.
Ayon kay Cardinal Tagle na siya ring Pangulo ng Caritas Internationalis, nagpaabot din ng tulong ang Pilipinas sa pamamagitan ng simbahan sa naganap na lindol sa Nepal at pagbaha sa Malawi.
“Tumimo sa kanilang (Nepal) isip, hindi ang halaga kungdi na sila ay inaala-ala pati ng mga nangangailangan na Filipino,” ayon pa kay Cardinal Tagle.
Taong 2013 nang makaranas ng mapaminsalang bagyo ang bansa- ang bagyong Yolanda kung saan tumanggap ng tulong ang Pilipinas mula sa international community.