2,610 total views
Homily
Manila Abp. Luis Antonio Cardinal Tagle
Palm Sunday mass
Our Lady of Peñafrancia Parish, Paco, Manila
April 13, 2019
Mga minamahal na kapatid sa pananampalataya, magpasalamat po tayo sa Diyos, tayo ay Kan’yang binuklod bilang isang sambayanan ngayong atin pong sinisimulan ang mga Mahal na araw, o ang tawag natin Holy Week, Semana Santa.
Pero nakakabagabag, papa’no nga ba naging Holy, Santa, ang linggong ito? Isang linggo na nakakakilabot, nakakabagabag, dahil sa sinapit ni Hesus. Si Hesus na katulad sa unang pagbasa ay nagpahayag ng salita ng Diyos, subalit ang Kan’yang tinanggap ay panlalait at poot.
Si Hesus na sinasabi sa ikalawang pagbasa, hinubad N’ya ang Kan’yang dangal bilang Diyos, upang makipag-isa sa atin, sinamahan tayo, pero ano ang Kan’yang napala sa pagsama sa atin? Kapahamakan.
Ano ang banal sa linggong ito? Hindi ba dapat tawagin itong isang linggo ng kahihiyan? Hindi ba dapat tawagin itong linggo ng pagkatalo ni Hesus? Hindi ba dapat tawagin itong linggo ng karahasan at kalupitan ng tao sa isang inosenteng kapatid? Hindi ba ito dapat tawaging linggo ng kawalan ng utang na loob? Bakit natin ito tinatawag na holy? Bakit natin ito tinatawag na banal? Ang nagpapabanal po sa linggong ito ay si Hesus.
Kaya mula po ngayon, titigan natin si Hesus, kahit kung minsan hindi maarok ng ating isip at hindi kaya ng ating puso na masikmura ang ating makikita sa Kan’ya pero walang ibang dahilan, walang ibang dahilan bakit banal ang linggong ito kun’di dahil kay Hesus.
Harinawa, araw-araw lalo na pagdating sa Holy Thursday, Good Friday, Black Saturday, ipukol natin ang ating mga mata kay Hesus, buksan ang puso kay Hesus, buksan ang tainga sa Kan’yang salita, at kahit hindi nga natin S’ya lubusang maunawaan, h’wag bibitaw sa Kan’ya upang matuto tayo sa Kan’ya, ganito ang kabanalan.
Ganito ang holiness, ganito ang pakikitungo ng Diyos sa atin. At harinawa, tayo ay tumulad sa Kan’ya, sumunod sa Kan’ya. Itong linggo ng palaspas o ang tawag po natin, linggo ng pagpapakasakit N’ya, Passion Sunday, ang pakiusap po sa atin, sumunod kay Hesus. Malimit kong sabihin kapag tayo ay mamamasyal, maraming gustong sumama sa atin. Kapag ikaw ay maglilibre sa restaurant, maraming susunod sa iyo.
Kapag ikaw ay mamumudmod ng benepisyo, kay rami-raming susunod! Kapag nagbalita ka, mamimigay ako ng 2,000, ang dami-daming susunod pero kapag [mayroon] sa kabila magsasabing, “3,000!” iiwanan ka! Pupunta doon sa 3,000. Pero kapag ikaw ay pupunta sa kalbaryo may sasama kaya? Ang nangyari kay Hesus, iniwanan S’ya ng mga alagad, kaya naghahanap si Hesus ngayon.
Ginunita natin ang pagpasok N’ya sa Jerusalem. Sinalubong ng mga nagkakantahan at nagwawagayway, pero hanggang kailan yan magtatagal? Kapag S’ya ay nandoon na sa krus, may susunod pa ba? Nandito sa ating parokya ang Kan’yang inaanyayahan, “tumingin kayo sa akin, sumunod kayo sa akin.” At h’wag po tayong maghintay, “hindi ako karapatdapat, makasalanan ako! Hindi ako makakasunod sa iyo Hesus.”
Kalimitan ‘yon ay ating dahilan lamang para talaga hindi sumunod. Sa narinig nating ebanghelyo, sino ang mga sumunod? Si Simon na taga Sirene. Galing sa bukid, nag trabaho, na tyempo, nakita s’ya ng mga sundalo, “halika! Pasanin mo ang krus ni Hesus.” Napilitan, walang plano, pero s’ya ang sumabay kay Hesus. Tayong mga minsang tatakot-takot, nag-aalinlangan, h’wag kang mag-alala, pwede kang sumunod kay Hesus. Ang mga kababaihan, tumatangis para kay Hesus, sumusunod, matapang, nalulungkot.
Sila ang nakarinig ng mabuting balita kay Hesus. “H’wag Ako ang tangisan ninyo, tangisan ninyo ang inyong sarili, tangisan ninyo ang mga anak ninyo, tangisan ninyo ang mga marami pa na ipapako sa krus, h’wag Ako.”
Binabaling ni Hesus ang kanilang mga mata at puso sa iba pang mga nagdurusa. Kababaihan, kayo ang matatapang, kayo ang hindi nag-iwan kay Hesus, patuloy kayong sumunod kay Hesus at patuloy kayong lumapit sa mga nagdurusa sa mundo. Yaong isang makasalanang nakapako kasama ni Hesus, yung isa sinusumbatan si Hesus.
‘Di ba ikaw ang mesiyas, patunayan mo! Iligtas moa ng sarili mo, iligtas mo kami.” Pero yung isa, makasalanan, inamin ang kasalanan n’ya, pinagalitan pa nga n’ya yung isa, sabi n’ya, “Tayong dalawa, dapat talaga ipako kasi makasalanan.
Ito si Hesus, inosente,” at s’ya ay sumunod kay Hesus. “Alalahanin mo ako sa iyong paghahari.” At ipinangako ni Hesus, “Ngayon pa man, kasama ka sa paraiso.” Makasalanan tayong lahat, dapat tayo ang ipinapako, pero pwedeng sumunod kay Hesus.
Mga kapatid, may iba-iba tayong kwento, yung iba sa inyo parang Simon ng Sirene. Palakad-lakad lang d’yan baka tawagin ka, sumunod kay Hesus, sumama ka! baka ikaw ay tumatangis, awang-awa sa isang nagdurusa, sa isang nagugutom, tumangis ka, kasama ‘yan sa pagsunod kay Hesus.
Makasalanan tayong lahat pero hindi ‘yan balakid para sumunod kay Hesus hanggang sa paraiso. ‘Yan ang magpapabanal sa linggong ito. Ang inapi, ang niluran, ang nilapastangan na si Hesus, ano ang ganti sa atin? Pagpapatawad, pang-unawa, paraiso.
S’ya ang dahilan bakit banal ang linggong ito. Holy Week. At sana, maging banal din tayo, papaano? Titigan mo si Hesus, sumunod kay Hesus kahit hindi karapatdapat, mahalin si Hesus at gawin ang Kan’yang halimbawa.
Mga kapatid sino po kayo? Si Simon ng Sirene, kababaihang tumatangis, o yung magnanakaw na nakapako? Sa mga magnanakaw, may pag-asa ka, sumunod ka kay Hesus, hanggang sa paraiso.