252 total views
Umaasa ang Arsobispo ng Cebu na maging mabunga ang gaganaping pagtitipon ng mga kabataan sa Cebu sa susunod na linggo.
Ayon kay Archbishop Jose Palma, nawa’y tulad ng Mahal na Birheng Maria ay tatalima ang kabataan sa tawag ng Panginoon na makiisa sa pagpalaganap ng mga Salita ng Diyos at abutin ang mamamayang nananamlay ang pananampalataya.
“To the young people and to all of us beloved, gifted, empowered kitang tanan [tayong lahat] and unta [sana] like Mama Mary will say yes to this call, the call to mission and the call to share what we have received,” pahayag ni Archbishop Palma sa panayam ng Radio Veritas.
Ipiliwanag ng Arsobispo na mahalagang matutuhan ng kabataan ang pakikipagkaisa ng mananampalataya sa Diyos upang manatili itong nakasusunod sa kalooban ng Panginoon at maiwasan ang pagkaligaw ng landas.
Tiwala ang Arsobispo na maisapuso ng bawat delegado ang matutuhan upang maibahagi sa kapwa at ganap na maging katuwang ng Simbahan sa pagpapalaganap ng misyon ni Hesus.
NYD 2019
Kaugnay dito, makikilakbay sa mga delegadong kabataan ng National Youth Day ang replica ng Santo Niño De Cebu na gaganapin sa susunod na linggo.
Sa pahayag ng pamunuan ng NYD 2019 isasagawa ang Solemn Foot Procession sa ika – 24 ng Abril ganap na alas 6 hanggang alas 7:30 ng gabi mula Cebu City Sports Complex hanggang Basilica Minore ng Santo Niño kung saan susundan ito ng Welcome Mass para sa NYD 2019.
Ito ay maisasakatuparan sa tulong ng mga tagapagtangkilik ng Minor Basilica ng Santo Niño na buo ang suporta sa pambansang pagtitipon ng mga kabataan ngayong taon lalo’t kasabay nito ang pagdiriwang ng Year of the Youth.
Ang NYD 2019 ay magsisimula sa ika – 23 ng Abril at magtatapos sa ika – 28 sa Archdiocese ng Cebu.
500 YEARS OF CHRISTINIATY
Samantala, nagpaabot naman ng paunang pasasalamat si Archbishop Palma sa mahigit 12, 000 kabataan na nagpatala para sa NYD 2019.
Binigyang diin ng Arsobispo na mahalaga ang pagtitipon sapagkat bahagi ito ng paghahanda ng Simbahang Katolika ng Pilipinas sa ikalimang sentenaryo ng Kristiyanismo sa bansa sa 2021.
Mahalagang mahubog ang kabataan sa mga turo at aral ng Simbahan dahil ito ang kasalukuyan at kinabukasan ng Simbahang Katolika.
Ito rin ay isa sa pinakamahalagang aspeto sa buhay ng Simbahan ang kalingain ang kabataan habang patuloy itong naglalakbay at magabayan tungo sa landas ng Panginoong Hesukristo.