188 total views
Pinangunahan ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang lenten recollection ng Philippine Airforce na may temang, “Airman’s spirituality: A call to Perform, Reform, Transform,” sa PAF Multi-purpose Gymnasium sa Villamor Airbase, Pasay City, noong ika-16 ng Abril.
Sa pagninilay ni Cardinal Tagle, binigyang diin nito na hindi maaaring mapaghiwalay ang tatlong katangian na Perform, Reform, at Transform hindi lamang para sa mga kasapi ng Philippine Airforce, o sa mga katoliko kun’di maging sa mga may ibang paniniwala.
PERFORM
Ipinaliwanag ng Cardinal na ang kahulugan ng “Perform” o pagganap ay sa pamamagitan ng paggawa sa ating misyon na nakabatay sa pag-ibig, katotohanan, katarungan at kapayapaan.
Sinabi ng Cardinal na sa oras na ang misyon ang mangibabaw at umiral sa puso ng bawat indibidwal, ay maisasantabi ang pansariling kabutihan at mamamayani ang pag-ibig sa Panginoon, sa pamilya, sa lipunan at sa bayan ng Diyos.
“When the call of mission arises we become not for self-promotion but I do it simply because it is important and good and I do it for the one I love my God my family my nation my faith community.” pahayag ni Cardinal Tagle.
REFORM
Ipinaliwanag din ng Cardinal na sa gitna ng pagganap sa misyon ay maraming mga tukso at pagsubog na kinakaharap ang bawat isa.
Dahil dito, inihayag ng ni Cardinal Tagle na mahalaga ang “Reform” kung saan mabuting balikan ng isang tao ang kan’yang mga munting pinagmulan.
Gayunman, dulot ng pagiging mapagmataas, malimit na nahihirapan ang mga taong balikan ang mga simpleng bagay kung saan sila nagsimula.
Ayon sa Kardinal, ang bahagi ng Reform ang pinakamahirap na yugto dahil hindi matanggap ng mga tao ang masamang pag-uugali o ang mga bagong gawain na kinakailangan nilang alisin at baguhin upang makabalik sa orihinal na pinagmulan nang may kababaan.
“We realized that there are many many temptations, realities that drive us away of our original humble beginnings our original identity, our original mission, kaya laging may kailangang reform, which is to become better. How? by going back to your original self. Iwanan yung false self, yun ang reform, bumalik sa tunay na ikaw, hindi yung ikaw na parang gawa-gawa lang.” Dagdag pa ng Cardinal.
TRANSFORM
Samantala, ipinaliwanag naman ng Kardinal na ang huling punto na “Transform,” ay nangangahulugan ng pagbabago o pagpapanibago ng sarili.
Gayunman hindi ito dapat na maging salungat sa “Reform” na pagbalik sa orihinal na pagkatao, dahil ang mga pagbabagong dapat na gawin ng bawat isa ay nakabatay din sa pag-unlad ng panahon at sa kung ano ang makabubuti.
Nilinaw nito na kasabay ng pagpapanibago sa sarili, ay ang pagiging tapat sa ating pinagmulan at sa misyon na dapat gampanan ng bawat tao.
“To transform means to assume a new form. You don’t become part of the museum of the past, you recognize the present at nandito ang napakaganda, being true to the original humble beginnings… Faithful to the identity, yet assuming new expressions, new methods appropriate for our times, mentalities of our times, yet faithful din sa original inspiration.” Pagbabahagi ni Cardinal Tagle.