219 total views
Naging sentro ang mga kabataan sa paksa ng taunang Holy Wednesday Recolection sa SM Megatrade hall, Ortigas, Pasig City.
Sa temang “Church R Us: Forever Young – Beloved, Gifted, Empowered,” pinagnilayan ng Cardinal ang ilan sa mga dahilan kung bakit pakiramdam ng mga kabataan ay naisasantabi sila at hindi minamahal.
Tinukoy ni Cardinal Tagle ang dumadaming bilang ng mga Overseas Filipino Workers.
Sinabi ng Kardinal na sa dami ng mga ina at ama na kan’yang nakakasalamuha sa ibang bansa ay naiisip niyang ganito din karami ang mga bata sa Pilipinas na lumalaki ng walang karanasan na makasama ang kanilang mga magulang.
Dagdag pa niya, isang aspeto din kung bakit hindi maramdaman ng mga anak ang pagmamahal sa kanila ay dahil sa mataas na pamantayan ng mga magulang.
Sinabi nitong isa ito sa mga dahilan ng suicide incidents dahil pakiramdam ng mga kabataan ay hindi sapat ang kanilang ginagawa upang maging mabuti sa mata ng mga magulang.
Sa halip na maramdaman ang pag-ibig ay insecurity at kawalan ng tiwala sa sarili ang nararamdaman ng mga kabataan.
“We have a generation who doubt and I loved and I loved. Absentee parents or nandyan man, [pero] distant, emotionally distant or very harsh yung tinatawag na cariño brutal. Mukhang good intention pero we come across not as loving but more of demanding… O kaya domineering, the love that dominates the love that does not allow the person to bloom. Instead of feeling loved they feel insecure before people who are supposed to show them love.” Bahagi ng pahayag ni Cardinal Tagle.
Dahil dito, ipinaliwanag ng Kardinal na mahalaga ang pakikinig sa mga kabataan upang maipakita at matiyak din sa mga ito na anu man ang kanilang naging karanasan sa mga magulang o sa kapwa, ay mayroong Panginoong handang kumalinga at yumakap sa bawat isa.
“With the assurance coming from the word of God know that you can find security in the embrace of God. Nobody can love you the way God loves you, believe in that. You can be secured only in the loving embrace of God for you came from God it was God who created you so you will be always precious to God.” Pagtitiyak ni Cardinal Tagle.
Tinatayang umaabot sa 20porsyento ng mahigit sa 80 milyong mga Katolikong Pilipino ay mga kabataang may edad na 15 hanggang 24 na taong gulang.
Dahil dito, patuloy na pinalalakas ng simbahang katolika ang mga programang sumusuporta at magpapalakas sa pananampalataya ng mga kabataan tulad na lamang ng nalalapit na pagdiriwang ng National Youth Day na magsisimula sa ika – 23 ng Abril at magtatapos sa ika – 28 sa Archdiocese ng Cebu.