268 total views
Labindalawang mga kabataan ang pinili ng Archdiocese of Manila upang gumanap bilang labindalawang Apostol ni Hesus sa misa para sa huling hapunan at paghuhugas ng paa ng mga alagad.
Bago magsimula ang pagdiriwang, tinipon ni Manila Abp. Luis Antonio Cardinal Tagle ang mga kabataan upang kilalanin at pakinggan ang iba’t-ibang kwento ng kanilang buhay.
Kinilala ang labindalawang kabataan na sina; Nicole Anne Perez – isa sa mga nahirang na kalahok sa 2018 Synod of Bishops on Young People; Rafael Villegas – volunteer ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting sa National Shrine of St. Michael and the Archangels sa San Miguel, Maynila; Luna Mirafuentes – miyembro ng Parish Youth Ministry at Ministry of Greeters and Collectors sa San Fernando de Dilao Parish, Paco, Maynila; Carlito Sapunto – ipinanganak na mayroong cerebral palsy at church volunteer sa St. Dominic Savio Parish, Mandaluyong Maynila; Jeffrey Ranola – mula sa Parola Tondo, Maynila at isang aktibong miyembro ng Youth Ministry; Sr. Antonisa, MC – Madre ng Missionaries of Charity mula sa Bangladesh na at limang taon nang nagmimisyon sa Pilipinas; Joel Obreo – nagmula sa bansang India at nagmimisyon sa ilalim ng grupong Ligaya ng Panginoon Community at Christ Youth in Action; Janrey Nevado – anak ng isang security guard at nakapagtapos ng kolehiyo bilang suma cum laude sa kursong Business Administration, Major in Computer Applications; Jenezis Caliwag – deboto ng Mahal na Poong Hesus Nazareno, nagtatrabago sa Minor Basilica of the Black Nazarene at isang campus youth animator sa St. Joseph the Worker Parish sa Novaliches; Ferdinand John Azogue at Daisy Jane Azogue – bagong kasal na mag-asawa, at nakaranas din ng maraming pagsubok sa kanilang relasyon subalit pinatatag ng Panginoon; at si Jinky Pelopero – isang iskolar at miyembro ng Ministry of Greeters and Collectors sa Manila Cathedral.
Isa sa karaniwang kwento sa buhay ng karamihan sa labindalawang kabataan ay ang pagkakaroon ng broken family.
Ayon sa mga ito, hindi dahilan ang kawalan ng mga magulang upang sila ay mapalapit sa Panginoon at makapaglingkod, binigyang diin ng mga kabataan na sa ganitong pagsubok ay mahalagang malaman ng bawat isa na mayroong Diyos na handang umalalay sa mga dumaraan sa suliranin.
Samantala, partikular namang nakaantig sa damdamin ang kwento ni Carlito Sapunto na simula pagkapanganak ay mayroon nang cerebral palsy.
Ayon kay Sapunto sa kabila ng pag-abandona sa kan’ya ng kan’yang ina na ngayon ay nasa ibang bansa ay hindi naman nawala ang pag-ibig niya dito at pagnanais na makita at makapiling ito lalo na nang malaman niyang mayroon ding malubhang karamdaman ang kan’yang ina.
Naniniwala din siya na hindi hadlang ang pagkakaroon ng kapansanan upang lumapit sa Panginoon at maglingkod sa simbahan, sa katunayan isa ring deboto at miyembro ng hijos de Nazareno si Sapunto kahit na hindi siya direktang nakasasama sa mga prusisyon at pagbubuhat ng Santo.
TITIGAN, PAKINGAN SI HESUS
Sa pagninilay sa banal na misa, hinimok ni Cardinal Tagle ang mga mananampalataya partikular na ang mga kabataan na titigan at pakinggan si Hesus, na sa Kan’ya ring kabataan ay nagpamalas ng dakilang pag-ibig sa Kan’yang mga kaibigan at nagpakababa nang hugasan Nito ang kanilang mga paa.
Binigyang diin ng Kardinal na si Hesus ay laging nar’yan, patuloy na nagmamahal, at handang hugasan ang paa ng mga kabataan, upang sila din ay maging kaugnay Niya.
Dahil dito, kinakailangang hayaan ng mga kabataan na hugasan ni Hesus ang kanilang mga paa sa pamamagitan ng paglapit sa Panginoon at pagsuko dito ng kanilang mga sugat na dulot ng suliranin, kahinaan, kakulangan at mga pagkakasala.
“Mga kabataan, please! Magpahugas kayo kay Hesus. Magpahugas kayo ng mga kasalanan, magpahugas kayo ng mga sugat dahil Siya’y sugatan din, magpahugas kayo ng budhi, magpahugas kayo ng kahihiyan, magpahugas kayo ng buong pagkatao n’yo, huwag kayong mahihiya, kasi si Hesus ang nagmamahal. Kaya N’yang hugasan pati ang ating kasalanan. Let Jesus wash you. Don’t be afraid, don’t be ashamed. The world will judge you but Jesus will wash you, wash you with His blood, that’s how precious you are.” Bahagi ng pagninilay ni Cardinal Tagle.
HUGASAN ANG PAA NG IBA
Hinamon naman ni Cardinal Tagle ang mga kabataan na matapos hugasan ni Hesus ang kanilang mga paa ay sila naman ang maghugas ng paa ng kanilang kapwa kabataan.
Batid ng Kardinal na maraming kabataan ang dumadaan sa pagsubok dala ng nagbabagong kultura sa lipunan at sa pamilya, at dahil sa pagkakaroon ng sugatang puso ng isang kabataan, siya ang higit na makauunawa at magmamahal sa kan’yang kapwa.
“Bilang minahal ni Hesus, ipakita nyo sa iba ang pagmamahal na inyong tinanggap, hinugasan ka ni Hesus, pinaglingkuran ka ni Hesus kahit hindi ka karapatdapat, maglingkod ka rin, huwag mong sarilinin ang pag-ibig na ibinigay sa iyo, ibahagi sa iba. Mga kabataan, lumabas kayo sa inyong mundo, may mga ibang mundo pa d’yan, marami ring sugatang katulad nyo kahit ka may sugat wag mong gawin ang sugat mo bilang bilangguan nakakulong ka nalang don. Pahugasan mo kay Hesus ang sugat mo at pagnahugasan, lumabas ka, hugasan mo rin ang sugat ng iba.” Dagdag pa ng Kardinal.
LIKE JESUS, WE MUST LOVE THE YOUTH
Sa huli, umapela naman si Cardinal Tagle sa mga magulang, mga guro at mga may katungkulan na mahalin ang mga kabataan at iparanas sa kanila ang pag-ibig ni Hesus.
Ayon sa Cardinal, kung mararanasan ng mga kabataan ang pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng mga nakatatanda, anu mang pagsubok ang kanilang harapin o pagdaanan ay hindi na ito magdududa dahil batid na nilang nar’yan si Hesus na nagmamahal.
Binigyang diin pa niya na sa dami ng mapagsamantalang tao ngayon, kinakailangang ang mga kabataan ay protektahan, gabayan, at mahalin sa halip na pagsamantalahan, lokohin, ibenta at pagkakitaan.
“Sana maipadama n’yo sa inyong mga anak ang pagmamahal ng Diyos sa kanila, para hindi sila magduda na may Hesus na nagmamahal. Para po sa mga teachers, para sa mga may responsibilidad sa lipunan, ang mga kabataan ay dapat gabayan, hindi dapat pagsamantalahan. Ang kabataan minamahal, hindi ibinebenta, niloloko at pinagkukwartahan. Like Jesus let us love the youth until the end.” Pagbabahagi ni Cardinal Tagle.
Ang pagmimisa sa pagtatakipsilim sa paghahapunan ng Panginoon ay isinagawa noong ika-18 ng Abril sa Basilica Menor ng Immaculada Concepcion sa Katedral ng Maynila.
Ang ritwal ng paghuhugas ng paa ay hindi lamang ginaya sa ginawa ng Panginoon kundi isang panawagan sa lahat na maglingkod sa pag-ibig.
Nagsimula ito noong kalagitnaan ng ika-limang siglo sa Jerusalem at pormal na naging bahagi ng liturhiya pagkatapos ng ikalawang konsilyo sa Vaticano.