2,355 total views
Nagpaabot ng pakikiramay si Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Gabriele Giordano Caccia sa mga Pilipino na naapektuhan ng naganap na pagyanig ng lupa sa rehiyon ng Luzon.
Hinimok nito ang mga mananampalataya na ipanalangin ang mga naulila gayundin ang mga nasaktan at nasawi sa kalamidad.
Umaasa din ang Apostolic Nuncio, na agad na mabibigyan ng tulong ng mga nangangailangan.
Ipinagdarasal naman ni Archbishop Caccia sa panginoon na i-adya tayong lahat sa mga sakuna, protektahan at bigyan ng magandang buhay.
“We are very close to the victim, those people affected by this earthquake. And we pray that all the possible help will be provided with good spirit. We thank also that inspite of the magnitude of the event, not many damages in people, buildings, houses were registered and we pray to the good Lord to protect us always and to help us to live a good life so that we are always ready when our time comes.” Pahayag ni Abp. Caccia sa Radyo Veritas.
Kabilang sa higit na naapektuhan ng naganap na pagyanig kahapon ay ang lalawigan ng Pampanga kung saan naramdaman ang magnitude 6.1 na lindol.
Dalawang lumang simbahan ang nasira dito at ito ang 17th at 19th century church na St. Augustine sa Lubao at Santa Catalina de Alexandria sa Porac.
Dahil dito, pinayuhan ni Abp. Caccia ang mamamayan na laging manlangin upang ipag adya ng Panginoon ang bansa mula sa sakuna at upang maging handa rin ang ating mga sarili sakaling dumating na ang ating oras.
Kaugnay nito, wala pang 24-oras ang nakalipas matapos yanigin ng magnitude 6.1 na lindol ang rehiyon ng Luzon, niyanig naman ng magnitude 6.2 na lindol ang Eastern Samar.
Natagpuan ng PHILVOCS ang epicenter ng lindol sa San Julian, Eastern Samar.
Sinasabi ng PHILVOCS bulletin na naramdaman ang intensity 5 sa Tacloban at Catbalogan City.