200 total views
Umaasa ang opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines na matutuhan ng mga kabataan na manindigan sa katotohanan kay Kristo.
Ayon kay Bangued Bishop Leopoldo Jaucian, Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Youth, nawa’y mapagtibay ng mga kabataan ang pananampalataya sa Panginoon upang maging masigla sa paglilingkod sa Diyos at sa kapwa.
“Magbunga ng matibay na pananampalataya ng ating kabataan at lalo silang mapalapit ang pagmamahal nila sa Panginoon,” pahayag ni Bishop Jaucian sa panayam ng Radio Veritas.
Ito ay kaugnay sa ginaganap na National Youth Day 2019 sa Arkidiyosesis ng Cebu na dinaluhan ng higit sa 12, 000 kabataan mula sa 86 na mga Diyosesis at Arkidiyosesis sa buong bansa.
Sinabi ng Obispo na mahalaga ang pagtitipon sapagkat malaki ang gampanin ng mga kabataan sa buhay pananampalataya at kasalukuyan at kinabukasan ng Simbahang Katolika.
Hinimok ng Obispo ang mga kabataang delegado ng N-Y-D na huwag katakutan ang paglapit kay Hesus dahil ito ang nagdadala ng katotohanan na dapat magiging gawi ng kabataan.
“Palagi kong sinasabi sa kabataan huwag kayong matakot na lumapit kay Hesus pakinggan ang kaniyang tinig lalong na sa mga hamon ngayon lalong lalo na ang stand for truth, kailangan natin ang katotohanan kay Kristo na paninindigan at isabuhay,” ani ng Obispo.
Inihayag ni Bishop Jaucian na bilang mga kabataang bahagi ng komunidad dapat itong maging tagapaghatid ng katotohanan lalo na sa mga Salita ng Diyos na unti-unting nababalewala bunsod ng mga hamon sa lipunan tulad ng paglaganap ng fake news.
Sa mensahe ng Kan’yang Kabanalan Francisco noong World Youth Day hinamon nito ang mga kabataan na maging instrumento sa pagpapalaganap ng misyon ng Simbahan ang paghahayag ng mga Salita ng Diyos sa sambayanan.