171 total views
Nagbabala ang Diocese ng Cubao sa publiko hinggil sa kumakalat na fake news tungkol kay Bishop Honesto Ongtioco.
Batay sa inilabas na pahayag ng Diyosesis, may kumakalat na text message kung saan humihingi ng tulong pinansyal para sa pagpagamot ng Obispo dahil sasailalim ito sa triple by-pass surgery.
Nilinaw ng Diocese na walang katotohanan ang mensahe at nasa mabuting kalusugan si Bishop Ongtioco kaya’t hinimok ang mananampalataya na iwasan ang pagbibigay ng pera kung makatatanggap ng nasabing mensahe.
Bukod sa text messages, gumawa rin ng pekeng facebook account na ‘Nes Ongtioco’ ang hindi pa natukoy na indibidwal at humihingi rin ng pera para sa kaparehong kadahilanan.
Iginiit ng pamunuan ng Diocese na iisa lang ang opisyal na FB account ng Obispo na may pangalang ‘Honesto F. Ongtioco’ at pinaalalahanan ang bawat mananampalataya na tanggapin lamang ang friend request mula sa opisyal na account.
Ikinalungkot ng Diyosesis ang mapanlinlang na intensyon ng nagpapakalat ng pekeng impormasyon.
Tinitiyak naman na kaisa ang buong Diocese sa paglaban sa fake news sa lipunan na unang tinukoy ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na isang uri ng pagnanakaw; pagnanakaw ng pagkatao at dignidad ng tao.
Hiling ng Diocese na makipagtulungan ang mga tao sa isasagawang imbestigasyon partikular na ang mga nakatanggap ng mensahe.