197 total views
Puno nang kagalakan na sinalubong ng mga delegadong kabataan ang welcoming Mass para sa National Youth Day 2019.
Ang Misa ay ginanap kasunod ng Solemn Foot Procession mula sa Cebu City Sports Complex patungong Basilica Minore del Santo Niño kung saan idinaos ang Banal na Eukaristiya.
Kabilang sa mga Santo sa prusisyon ang imahe ni San Pedro Calungsod, Mahal na Birhen ng Guadalupe at ang imahe ng Batang Hesus o Santo Niño.
Sinalubong ni Cebu Archbishop Jose Palma ang replica ng Santo Niño at inilagak sa dambana ng Simbahan bago magsimula ang Banal na Misa.
Sa homiliya nagpasalamat ang Arsobispo sa mahigit 12, 000 kabataang delegado sa pagpapakita ng masidhing pananampalataya sa pakikiisa sa isinagawang prusisyon at debosyon kay Hesukristo at ang aktibong paglahok sa mga gawain ng NYD.
Pinaalalahanan ng Arsobispo ang bawat isa na kasama sa ating paglalakbay sa mundo si Hesus.
“The good news would like to remind us especially young people, in the journey of life we do not walk alone, Jesus walks with us,” bahagi ng homiliya ni Archbishop Palma.
Pagkatapos ng Banal na Pagdiriwang, isinagawa ang traditional Sinulog dance upang mabigyang pagkakataon ang mga kabataan na hindi nakadadalo ng Sinulog tuwing Enero na maranasan ang diwa ng Kapiyestahan.
Pinangunahan ni Archbishop Palma ang buong pagdiriwang kasama ang 15 pang mga Obispo at halos 400 mga Pari mula sa iba’t ibang Diyosesis at Arkidiyosesis sa buong bansa.