299 total views
Mga Kapanalig, maligayang Pasko ng Pagkabuhay!
Matapos ang ating pagninilay sa pasyón ni Hesus at pagdiriwang sa kanyang muling pagkabuhay, muli tayong babalik sa realidad ng lipunang ating ginagalawan. Ngunit hindi ito pangkaraniwang realidad dahil ang mga susunod na araw ay patungo na sa halalan. At maraming isyung kailangang harapin at matutugunan sa pamamagitan ng ating boto.
Una, ang patuloy na patayan sa mga komunidad. Maaaring hindi na sila nagiging headline ng mga balita, ngunit sa maraming mahihirap na pamayanan, tuluy-tuloy ang pagpatay sa mga sinasabing adik at pusher ng droga. Ayon sa PNP, nasa 5,000 ang napatay sa kanilang operasyon. Ayon naman sa CHR, maaaring nasa 27,000 ang napapatay, kasama na rito ang ginawa ng mga vigilante. Alinman ang paniwalaan natin, ang isang buhay na kinuha nang walang saysay ay hindi kailanman katanggap-tanggap—ngunit mukhang “normal” na sa ating bayan ang pagpatay.
Ikalawa, ang kahirapan. Sinasabing kumpara sa kabuuang populasyon, mas mababa ang porsyento ng mahihirap sa unang bahagi ng 2018 kaysa noong 2015. Isa sa limang Pilipino ang mahirap noong unang tatlong buwan ng 2018. Bagamat mas mababa ang porsyento ng populasyong kumikita ng mas mababa sa itinakdang poverty threshold, marami pa rin ang mga namumuhay sa kahirapan kung bilang ng tao o headcount ang pag-uusapan. Lubhang marami ang mahirap sa ating bayan ngunit binibigyan ba natin sila ng kaukulang pansin?
Ikatlo, ang paglaganap ng kasinungalingan. Ngayong panahon ng halalan, maraming nagpapakalat ng fake news o pekeng balita sa social media na layong lituhin at lokohin ang mga tao. Maging ang mga lider ng pamahalaan ay nagpapakalat ng fake news. Naging industriya na nga raw ang fake news dahil marami ang binabayaran upang maging online trolls. Ano ang sinasabi nito tungkol sa pagpapahalaga natin sa katotohanan? Itinatama ba natin ang mga ito o tayo mismo ang nagpapakalat?
Panghuli, ang katiwalian sa pamahalaan. Nangunguna sa mga survey ngayon ang mga kandidato sa pagka-senador na may bahid ng katiwalian o mula sa mga angkang kilaláng nagnakaw sa kaban ng bayan. Batayan pa ba natin ang katapatan at integridad sa pagpili ng mga susunod nating lider? O namanhid na tayo sa mga balita tungkol sa mga pinalalayang mandarambong at sa mga political dynasties na ginagamit ang posisyon para sa interes ng pamilya?
Katulad ng mensahe ng Pasko ng Pagkabuhay—kung paanong ang pagpapakasakit at pagpapapako ni Hesus ay hindi natuldukan sa kanyang kamatayan bagkus ay nabuhay Siyang muli—kaya rin nating pagtagumpayan ang mga patayan, kahirapan, kasinungalingan, at katiwalian. Huwag nating sanayin ang ating mga sarili sa mga ito. Huwag nating gawing normal ang mga ito.
At magagawa natin ito kung, katulad ng mga apostoles na iniwanan ni Hesus ng misyong ipalaganap ang Mabuting Balita, palalaganapin din natin ang kultura ng buhay na lalaban sa mga patayan; ang pagkakawanggawa at katarungang lalaban sa kahirapan; at ang katotohanang lalaban sa kasinungalingan at katiwalian. Tayo, mga Kapanalig, ang mga bagong apostoles, mga makabagong misyonero. Sabi nga ni St. John Paul II, “Ang misyonaryong gawain ay mahalaga para sa lahat ng Kristiyano.” Isabuhay natin ang Mabuting Balita at maging saksi sa pagmamahal ng Diyos sa atin.
Mga Kapanalig, hudyat ang Pasko ng Pagkabuhay ni Hesus ng oras upang gawin natin ang ating misyon, at ang darating na halalan sa Mayo ay isang natatanging pagkakataon upang maipakita nating hindi mauuwi sa wala ang sakripisyong ginawa ni Hesus upang tubisin tayo sa kasalanan. Sa darating na eleksyon, piliin natin ang mga lider na nagpapahalaga sa buhay ng tao. Piliin natin ang mga may malinaw na plano para sa mga dukha. Huwag nating iboto ang mga sinungaling at sakim sa kapangyarihan at kayamanan.
Sumainyo ang katotohanan.