475 total views
Mga Kapanalig, kung gaano katapang ang ating Pangulo sa paninira sa mga kandidato ng oposisyon sa darating na halalan at maging sa mga alagad ng Simbahang Katolika, ganoon naman kalambot ang kanyang administrasyon sa agresibong pagpasok ng China sa mga isla at karagatang nakapailalim sa ating pamamahala.
Wala tayong narinig na anumang maaanghang na salita mula sa pangulo tungkol sa lantarang pagwasak ng mga barkong mula China sa coral o bahura sa Scarborough Shoal. Reklamo ng mga mangingsida, ilang taon nang naghuhukay doon ang mga Tsinong mangingisda ng taklobo o giant clam, at nakaaapekto ito sa kanilang huli. Ngunit hindi makaimik ang mga pobreng mangigisda natin dahil kasama ng mga Tsinong mangingisda ang coast guard ng kanilang bansa. Kaawa-awa naman na talaga tayo.
Maghahain daw ng legal action ang Department of Foreign Affairs, habang maghihintay naman ang palasyo ng paliwanag mula sa pamahalaang China. Ilang beses na ba nating narinig ang ganitong mga pahayag mula sa administrasyong halos isanla na ang ating bansa sa makapangyarihan nating kapitbahay?
Isa lamang ang nangyayari sa Scraborough Shoal sa humahabang listahan ng mga ginagawa ng China kung saan nagiging dehado tayong mga Pilipino. Nariyan ang military reports tungkol sa mahigit 600 Chinese vessels na nakapalibot sa Pag-asa Island. Dito sa Metro Manila, dagsa naman ang mga Tsinong manggagawa na sinasabing umaagaw sa mga trabahong kaya namang gawin ng mga Pilipino. Ang ilang proyekto sa ilalim ng Build, Build, Build Program ay popondohan naman ng utang mula sa China, na maliban sa mataas ang ipapataw na interes, maaari pang mapasakamay ng mga Tsino sakaling hindi natin mabayaran ang ating utang sa kanila. Kaliwa’t kanan din ang pagtatayo ng mga negosyo ng mga Tsino dito sa Metro Manila at maging sa Boracay, na ang ilan ay hindi tumatanggap ng mga Pilipinong trabahante o hindi nagpapapasok ng mga Pilipinong customers.
Sa mga pumupuna sa mahinang paninindigan ng pamahalaang Pilipinas laban sa mga maling ginagawa ng China, laging ikinakatwiran ni Pangulong Duterte na ayaw lamang niyang sumiklab ang isang digmaang tayo rin naman daw ang matatatalo. Ngunit wala namang nagsasabi sa kanyang makipaggiyera tayo sa China. Wala ring nagsasabing murahin niya ang mga lider ng China gaya ng ginagawa niya sa kanyang mga kritiko. Ang hinihiling ng mga mamamayan ay bigyang-proteksyon ng pamahalaan ang ating mga mangingisda nang mapayapa silang makapanghuli ng kanilang ihahain sa kanilang hapag at ng kanilang maipanghahanapbuhay. Ang hinilihing sa pamahalaan ay tiyaking hindi nawawalan ng trabaho ang mga Pilipino sa sarili nilang bayan. Ang hinihiling sa pamahalaan ay maging mas bukás ito sa mga detalye at impormasyon tungkol sa mga pinapasok nitong kasunduan sa China.
Hindi giyera kundi tunay na paglilingkod sa mga Pilipino ang inaasahan nating aksyon ng administrasyong Duterte. Sa mga panlipunang turo ng Simbahan, binibigyang-diin ang tungkulin ng pamahalaang alalayan sa kanilang pag-unlad ang lahat ng mamamayan. Layunin dapat ng pamahalaang tulungan ang bawat mamamayang magampanan ang kanilang responsibilidad—ang tulungan ang mangingisdang matustusan ang pangangailangan ng kanyang pamilya at makapag-ambag sa suplay ng pagkain, at ang tulungan ang manggagawang makahanap ng disenteng trabaho upang masuportahan ang kanyang pamilya at makapag-ambag sa ekonomiya. Tungkulin ito ng pamahalaan, lalo na sa mga pagkakataong hindi kayang gampanan ng mga indibidwal ang kanilang papel sa lipunan. Inutil ang pamahalaang isinasantabi ang mga layuning ito dahil lamang sa paniniwalang wala itong laban sa mga pinagmumulan ng banta sa kabuhayan at hanapbuhay ng mga pinaglilingkuran nito.
Mga Kapanalig, kung walang magagawa ang kasalukuyang administrasyon, tayo mismo, sa darating na eleksyon, ang kumilos. Piliin natin ang mga kandidatong handang manindigan para sa bayan, hindi ang mga kandidatong handa tayong ipagkanulo sa ibang bansa.
Sumainyo ang katotohanan.