265 total views
Hinikayat ni Ozamis Archbishop Martin Jumoad ang mga botante na ihanda na ang kanilang listahan ng mga ibobotong kandidato bago pa man ang nakatakdang halalan sa ika-13 ng mayo.
Ayon kay Archbishop Jumoad, ngayon pa lamang ay pag-isipan ng mabuti ang mga isusulat sa balota at itala na ito sa papel upang hindi makaligtaan.
“Kailangan, maybe five days before then you have to know whom to vote para madali lang duon sa voting precinct. Because if you have no list, mahihirapan po tayo,” ayon kay Archbishop Jumoad.
Tagubilin pa ng arsobispo sa mga botante na piliin ang mga kandidatong magdadala sa atin palapit sa Panginoon.
“Always remember the commandment of the Lord, to really vote for a leader that we will bring us closer to God. And then also a man that is prayerful at may takot sa Panginoon, yun ang importante,” ayon kay Archbishop Jumoad.
BUMOTO NG NAAYON SA KONSIYENSA
Ito naman ang naging tagubilin ni Military Ordinariate Bishop Oscar Jaime Florencio sa mga mamamahayag, pulis at sundalo na nakilahok sa local absentee voting bago ang nakatakdang halalan sa ika-13 Mayo.
Ang local absentee voting ay nagsimula noong Lunes at nagtapos ngayong Mayo 1 sa mga itinalagang voting precinct.
Ang absentee voting ay isinagawa ng Comelec lalu sa mga botanteng kabilang sa mga magbabantay sa halalan tulad ng mga pulis, sundalo at media.
Hinikayat din ng obispo ang mga pulis at militar na maging mahinahon sa araw ng halalan at tiyakin ang kaligtasan ng lahat.
“For the coming election on May 13, hopefully maging mahinahon tayo and let us always pray for guidance sa Holy Spirit and at the same time think of the common good,” ayon kay Bishop Florencio.
Base sa tala ng Comelec, higit sa 30 libong botante ang inaprubahan para sa local absentee voting na ang mayorya ay mula sa Philippine Army na may higit sa 20 libong botante.
Sa kabuuan, higit sa 60 milyon ang bilang ng mga registered voters na makikibahagi sa midterm-elections para punan ang higit sa 18 libong posisyon sa pamahalaan.