326 total views
Nakikiisa ang opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines sa mga Filipinong manggagawa sa pagdiriwang ng Labor Day.
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity malaki ang ginagampanan ng sektor ng manggagawa sa lipunan dahil sa ambag sa paglago ng isang komunidad.
“Ang paggawa ng mga manggagawa ay napakahalaga sa ating panahon ngayon, napakahalaga sa ating bansa kasi kung walang manggagawa, walang mangyayaring aktibidad para po sa progress ng bansa,” ang pahayag ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.
Binigyang diin ng Obispo na mahalaga rin ito sa kanilang sarili sapagkat hindi lamang ito pamamaraan para kumita ng salapi kundi ito rin ay nagpapaunlad sa pagkatao ng bawat manggagawa.
Paliwanag pa ni Bishop Pabillo, marapat lamang na mabigyan ng wastong pagkilala ang mga manggagawa tulad ng pagbibigay ng tamang pasahod dahil ito rin ang inaasahan ng kani-kanilang pamilya.
“Nakikiisa ako sa mga manggagawa para po sa kanilang pagsulong ng usapin ng paggawa na mapahalagahan ang paggawa ng tao; na bigyan ng sapat na kaukulang salary, na sila’y maging makatao ang kanilang working condition at higit sa lahat maging permanente ang kanilang trabaho,” saad pa ni Bishop Pabillo.
Sa ensiklikal ni Saint John Paul II na Laborem Exercens, binigyang diin sa nasabing dokumento na karapatan ng bawat manggagawa ang wastong pasahod at benepisyo para sa kanilang kapakinabangan.
Sa pag-aaral ng IBON Foundation batay na rin sa datos ng Philippine Statistics Authority 6.8 milyong Filipinong nagtatrabaho habang 27.8 milyon ang mga hindi regular sa kanilang trabaho o agency-hired na mga manggagawa.
Tinatayang nasa 4.6 na milyon din ang mga walang trabaho noong 2018 habang naitala ang 1.1 milyong trabaho ang nawala sa sektor ng agriukultura noong nakalipas na taon.
Umaasa ang mga lider ng Simbahan na bigyang pagpapahalaga ng pamahalaan ang mga manggagawa sa bansa bilang pagkilala sa ambang ng kanilang sektor sa paglago ng ekonomiya ng bansa.