668 total views
Nakahanda na ang kalipunan ng mga Obispo ng Pilipinas sa ‘Ad limina visit’ kay Pope Francis ngayong buwan ng Mayo hanggang sa unang linggo ng Hunyo.
Ayon kay Cebu Archbishop Jose Palma, bagamat mag-uulat ang mga Obispo sa mga kaganapan dito sa Pilipinas at mga ginagawa ng Simbahang Katolika, nais din nilang mapakinggan ang mga sasabihin ng Kan’yang Kabanalan Francisco bilang Pinunong Pastol ng mahigit sa 1.3 bilyong Katoliko sa buong mundo.
“While we make reports of what’s happening here, we are also more interested in listening sa directions nga iyang ihatag [na kanyang (Pope Francis) ibibigay],” pahayag ni Archbishop Palma sa Radio Veritas.
Dagdag pa ng Arsobispo, dahil marami ang mga naganap sa bansa at mga gawain ng Simbahang Katolika nakadepende ang mga Obispo sa ‘hint’ ng Santo Papa kung ano ang mga paksa na matatalakay sa pagpupulong.
Tiniyak ng mga Obispo na maging makabuluhan ang Ad limina visit sa Santo Papa at maipararating ang mga mahahalagang paksa na may kinalaman sa mga mananampapalatayang Katoliko, ang pagpapalago ng pananampalataya at pagbubuklod ng sambayanan ng Diyos.
Ang Ad limina ay regular na pagbisita ng mga Obispo mula sa iba’t ibang bansa sa Santo Papa kung saan kabilang sa mga bibisitahin ang libingan ng mga apostol, major basillica at pakikipagpulong sa iba’t ibang tanggapan ng Vatican.
Sa pahayag noon ni CBCP President Davao Archbishop Romulo Valles, humiling ito ng panalangin sa ikatatagumpay ng kanilang pagbisita sa Santo Papa kung saan hinati sa tatlong grupo ang mga Obispo sa Pilipinas, ang unang grupo ay binubuo ng mga Obispo ng Luzon, ikalawa naman mula sa Visayas at ikatlo ang mga Obispo ng Mindanao kasama ang Arkidiyosesis ng Lipa.
Tinatayang may mahigit sa 90 ang bilang ng mga aktibong Obispo at Arsobispo sa Pilipinas sa siyang nangangasiwa sa 86 na diyosesis sa buong bansa.