224 total views
Inaanyayahan ng Obispo ng Tagbilaran ang mamamayan na makiisa sa paglilinis sa kapaligiran pagkatapos ng halalan.
Ayon kay Bishop Alberto Uy, bilang mabuting mamamayan, dapat maging kaisa sa pangangalaga ng kalinisan sa kapaligiran dahil sa labis na pagkalat ng mga campaign materials.
“We are asking the people to join us and participate in our Operation Hipos Campaign Tarpaulin. This is important because we want to give a good example to everyone that we have to take care of the tarpaulins, campaign tarpaulins because these are additional garbage,” pahayag ni Bishop Uy sa Radio Veritas.
Layunin ng ‘OPERATION CLEAN-UP OF CAMPAIGN TARPAULINS’ na gaganapin sa ika – 14 ng Mayo na maipagtanggol ang mundo sa paglaganap ng karagdagang basura, pagiging mabuting halimbawa sa pangangalaga sa kalikasan at higit sa lahat upang maghilom ang mga hinanakit na idinudulot ng halalan sa kapwa kandidato at botante.
Dahil dito hinimok ni Bishop Uy ang bawat mananampalataya sa buong lalawigan na pangunahan ang pagtatanggal at paglilinis ng mga campaign materials na nasa kanilang paligid, itabi ang mga tarpaulin at huwag sunugin dahil makasisira ito sa ozone layer at magdudulot ng polusyon o maari ring i-recycle ang mga campaign tarpaulin.
Higit na inaanyayahan ang mga kumandidato maging ang mga hindi nagtagumpay sa halalan na makiisa sa pangtanggal ng kanilang mga campaign materials katuwang ang mga campaigners, at ang sinumang may puso para sa kalikasan na tahanan ng mas nakararami.
“So everyone is invited and we are asking every parish, every barrio chapels, every BEC’s, to take care of their own territory sa pagpanghipos [pagligpit] sa mga campaign tarpaulins,” ani ni Bishop Uy.
Ang kampanyang ito ay pangungunahan nina Bishop Uy at Talibon Bishop Patrick Daniel Parcon katuwang ang mga layko ng Diyosesis ng Tagbilaran at Talibon.
Hinikayat ni Bishop Uy maging ang iba pang diyosesis sa buong Pilipinas na pangunahan din ang paglilinis sa kapaligiran alisunod sa panawagan ng Kan’yang Kabanalan Francisco sa ensiklikal na Laudato Si na dapat pangalagaan ang tahanang panlahat na ipinagkaloob ng Panginoon sa sangkatauhan.