188 total views
Muling inaanyayahan ng pamunuan ng Minor Basilica of the Immaculate Conception o Manila Cathedral ang publiko sa isasagawang Mass and Candlelight Rosary Procession.
Ito ay para sa pagbibigay pugay sa kapistahan ng Our Lady of Fatima sa ika-12 ng Mayo alas-6 ng gabi.
Ang pagdiriwang ay kasabay na rin ng panawagan sa pananalangin para sa gaganaping 2019 Midterm elections sa Lunes sa ika-13 ng Mayo.
“Magkakaruon po tayo nang padiriwang nang banal na misa at ng Candle Light Rosary Procession na iaalay natin para sa isang mapayapa, maayos at maka-Diyos na halalan,” ayon kay Fr. Malicdem sa kanilang Manila Cathedral FB post.
Ayon kay Fr. Reginald Malicdem, rector ng Manila Cathedral, dahil nataon ang kapistahan ng birhen ng Fatima sa halalan ay inaanyayan din ang mananampalataya na i-alay ang din ang kanilang panalangin para sa mapayapa, maayos at maka-Diyos na halalan.
Hiling ni Fr. Malicdem na nawa ay mapuno ng ilaw ng kandila at panalangin ng mananampalataya para hingin ang tulong at patnubay ng Mahal na Ina at ni hesus para sa pagpili ng mga tamang ihahalal na pinuno ng bayan.
“Punuin po natin ang Plaza Hall dito sa Intramuros ng ilaw ng ating mga kandila at ng ating mga tinig na nagdarasal at umaawit upang hingin ang tulong at patnubay nang Mahal na Ina at ng kaniyang anak na si Hesus sa ating pagpili ng mga makatao at maka-Diyos na mamumuno sa atin. Ipakita po natin na tayong mga Katoliko, tayong mga Pilipino ay kayang magkaisa,” ayon pa sa paanyaya ni Fr. Malicdem.
Sa Lunes ika-13 ng Mayo, higit sa 60 milyong botante ang inaasahang makikibahagi sa halalan para punan ang may 18 libong posisyon sa local at national government.