164 total views
Nanatiling malaking problema ng bansa ang talamak na vote-buying at selling tuwing may halalan.
Ito ang inihayag ni Borongan, Eastern Samar Bishop Crispin Varquez sa pagtatapos ng midterm-elections.
Ayon sa Obispo, bagama’t naging matiwasay sa kabuuan ang pagdaraos ng eleksyon ay lumala naman ang kaso ng mga bentahan ng boto.
Iginiit ni Bishop Varquez na higit na kailangan sa ngayon ay maging mulat ang mamamayan sa ganitong uri ng pulitika na ang namamayani ay ang mga pulitiko na may pambayad upang manalo sa halalan.
“We need to educate our people. So far, election in Eastern Samar is generally peaceful but vote buying remains a big problem even becomes worst. Education will take time. Distorted na talaga ang values ng karamihan sa mga Filipino. Ang mali naging tama. Ang gumagawa ng tama nagiging masama,” ayon kay Bishop Varquez sa facebook post ng CBCP-NASA.
Sa panig naman ni San Carlos Bishop Gerardo Alminaza, hindi na masasabing malayang pagpili ang pagboto kung ito ay namamanipula ng mga may salapi para manatili sa posisyon.
Bago pa man ang halalan, may 200 kaso na ng vote-buying ang naitala ng Philippine National Police.
Sa inilabas na pastoral letter ng Catholic Bishops Conference of the Philippines noong 2016, binigyan diin dito ang karangalan ng malayang pagboto at pantay na karapatan ng bawat mamamayan.