456 total views
Hinimok ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang bawat isa na simulan ang paghihilom matapos ang hindi pagkakaunawaan at hindi pagkakasundo dulot ng katatapos na halalan.
Inihayag ni Balanga Bataan Bishop Ruperto Santos – Chairman ng CBCP – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People na dapat ng tigilan ang pagsisiraan at pagsisisihan para sa kapayapaan at pag-unlad.
Iginiit ng Obispo na bilang mga Filipino ay kailangang magkaisa ang lahat sa pagsusulong ng kabutihan ng bansa.
“With election over and results comes to end, it is better to stop blaming and bashing but to move on to help one another and heal our country to peace, prosperity and unity. After all we have only one home, Philippines and we are all Filipinos.” pahayag ni Bishop Santos.
Umaapela ang Obispo ng pagtutulungan at malawak na pagkikipag-ugnayan ng lahat para sa bayan.
Pinayuhan ng Obispo ang mamamayan na na pairalin ang kabutihan at pagmamahalan upang maipamalas ang pangangalaga at pagpapahalaga sa kabutihan ng mas nakararami.
“Let us work together, mend broken relationships and extend hands of friendship to all. Let us now win the hearts and minds of all with good, right and moral words and deeds.” Dagdag pahayag ni Bishop Santos.
Sa kasalukuyan, lumikha ng kalituhan at pagdududa ang resulta ng halalan dahil sa mga naitalang aberya sa mismong Vote Counting Machines, SD Card na ginamit noong halalan at mahigit pitong oras na pagkaantala ng pagpasok ng mga datos mula sa COMELEC Transparency Server kung saan makikita ang unofficial electronically transmitted result ng eleksyon.
Naunang inihayag ni Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona – Chairman ng CBCP-NASSA / Caritas Philippines na dapat magsilbing hamon sa bawat isa ang inisyal na resulta ng halalan upang magkaroon ng isang masinsinang voter’s education para sa mamamayang Filipino.
Binigyan diin ng Arsobispo na mahalagang maimulat ang kamalayan ng mga mamamayan sa kahalagahan ng kapangyarihang bumoto para ihalal ang mga karapat-dapat na lingkod bayan na magbibigay ng tunay serbisyo publiko.
Tinukoy ng Arsobispo ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga parokya, Catholic schools at mga youth organization sa epektibong voter’s education sa mga kabataan na itinuturing na pag-asa ng ating bayan.