512 total views
Mga Kapanalig, naging matagumpay nga ba ang eleksyon?
Iba’t iba ang naging opinyon tungkol sa naging resulta ng eleksyon, lalo na sa pagkasenador. Para sa mga tagasuporta ng administrasyon, malaking tagumpay ang pagkakapasok ng karamihan sa kaalyado ng pangulo sa Senado. Mapapadali raw nito ang pagsusulong ng pagbabagong ipinangako ng pangulo. Para naman sa mga kritiko ng administrasyon, ang pagkatalo ng mga kandidato ng oposisyon ay mangangahulugan ng isang Senado na sunud-sunuran sa ehekutibo. Kung hindi malaya ang Senado, walang kukuwestiyon sa mga patakaran ng administrasyong hindi makatao, hindi makamahirap, at hindi maka-Pilipino.
Sa lokal na halalan, may mga pumuná sa pananatili pa rin sa posisyon ng mga political dynasties katulad ng mga Binay sa Makati, Cayetano sa Taguig, Belmonte sa Quezon City, at Aguilar-Villar sa Las Piñas. Gayunman, may mga aninag ng liwanag sa lokal sa halalan dahil may ilang lungsod na hindi na pinili ang mga kandidato mula sa mga kilalang political dynasties. Nariyan ang pagkakatalo ng mga Estrada—mula kay dating Pangulong Erap sa Maynila hanggang sa kanyang mga anak at apo sa San Juan. Ikinagulat naman ng marami ang pagkakapanalo ng bagitong pulitikong si Vico Sotto bilang alkade ng Pasig, na hawak ng pamilyang Eusebio mula pa 1992.
Kung napakaraming kumandidato sa pagkasenador, may mga kandidato sa lokal na halalan ang tumakbong walang kalaban. Mahigit limang daang kandidato sa buong bansa ang uncontested o walang katunggali. Kabilang rito ang 50 kongresista, 200 na mayor, at 200 na vice-mayor. Ibig sabihin, mahigit 500 ang naluklok sa puwesto kahit sila lamang ang bumoto para sa kanilang sarili. Sa madaling sabi, may mga lugar na walang pinagpilian ang mga botante.
Malaki ang implikasyon sa ating bayan ng naging resulta ng nagdaang eleksyon—tungkol man ito sa pagkakaroon ng isang malayang Senado, sa pagtatagumpay o pagkakabigong wakasan ang mga political dynasties, o sa pagkakaluklok natin ng mga karapat-dapat na kandidato sa kabila ng kawalan ng pagpipilian. Tungkulin nilang buuin nila ang mga institusyon at mekanismong titiyak na makakamit nating mga mamamayan ang mga serbisyo ng pamahalaan. Ngunit maliban sa mas maayos na paghahatid ng serbisyo-publiko, ang tagumpay ng eleksyon ay makikita natin kung lumago ba tayo bilang mga botante, lalo na tayong mga Kristiyanong nakikilahok sa pulitika sa pamamagitan ng pagboto.
Itinuturo sa atin ng panlipunang turo ng Simbahan na
Ang tunay na demokrasya ay hindi lamang bunga ng pagsunod sa mga batas o patakaran. Bagkus, bunga ito ng ating pagtanggap sa mga pinahahalagahan ng demokratikong proseso—ang dignidad ng bawat tao, paggalang sa karapatang pantao, at pagiging tapat sa layuning makamit natin ang kabutihang panlahat.
Mula sa mahabang panahon ng kampanya hanggang sa araw ng eleksyon, tanungin natin ang ating mga sarili: Mas naunawaan ba natin ang kahalagahan ng dignidad ng tao? Higit ba nating nalaman ang ating mga karapatan? Isinulong ba natin ang kabutihan ng lahat sa pamamagitan ng mga kandidatong ating ikinampanya at ibinoto?
Mga Kapanalig, may mga bahid ng anino at aninag ng liwanag ang kinalabasan ng katatapos lamang na halalan, ngunit ang mas malaking tanong ay kung ano ang sinasalamin nito tungkol sa ating mga pinahahalagahan at sa ating konsiyensya, na makailang ulit ipinaalala ng Simbahang maging batayan natin sa pagboto. Tunay lamang na magiging matagumpay ang isang eleksyon kung lumalago tayo bilang mga botante, kung natututo tayo sa ating mga pagkakamali, at kung ginagamit natin ang ating naging karanasan sa paglahok sa pulitika upang kumilos para sa mas makataong pamalahaan at, higit sa lahat, upang tayo ay maging mabuting tao sa ating kapwa at mabuting mamamayan ng ating bansa.
Sumainyo ang katotohanan.