212 total views
Ibinahagi ni Marawi Bishop Edwin Dela Peña na suliranin sa lupa ang kinakaharap ng karamihan sa residente ng Marawi.
Ipinaliwanag ng Obispo na ito ang dahilan sa pagkaantala ng binabalak na proyektong pabahay ng Simbahang Katolika sa pangunguna ng prelatura ng Marawi.
Sinabi ng Obispo na limitado ang mga lupa at lugar ng mga sibilyan sapagkat pinagbabawalan ito ng militar na makapagtayo ng bahay sa mga lupang napapaloob sa kampo ng mga sundalo at hindi rin pinapayagang makababalik sa ground zero.
“The problem really is the land, we cannot get any kind of land in Marawi,” pahayag ni Bishop Dela Peña sa Radio Veritas.
Ayon sa Obispo, ilan sa mga residente ang nanunuluyan sa mga evacuation centers at mga make shift home dahil ang mga lugar na kinatatayuan ng kanilang bahay noon ay napapaloob sa kampo ng militar.
LAND SWAPPING
Ibinahagi pa ni Bishop Dela Peña na nais din ng mga sundalo na okupahin ang halos isang ektaryang lupa na pag-aari ng mga Carmelite Nun upang pagtayuan ng panibagong kampo.
Inamin ni Bishop dela Pena na tinanggihan ng Simbahan ang nais ng militar na sumailalim sa expropriation proceedings ang nasabing lupa at babayaran sa halaga nito upang magamit ng pamahalaan.
Inihayag ng Obispo ang balakin na makipagkasundo sa militar sa lupa ng mga madre upang maisakatuparan na ang proyekto ng Prelatura para sa mga Kristiyanong residente ng Marawi.
“We want to make a compromise deal, to swap so that we can proceed with our housing projects for our Christian minorities,” ani ni Bishop Dela Peña.
Pinupursige ng Obispo ang proyektong pabahay dahil hindi kabilang ang mga Kristiyano sa planong pagsasaayos sa Marawi.
Tinatayang nasa 150 mga pamilyang Kristiyano ang kasalukuyang naninirahan sa mga tent at nakikituloy sa mga kamag-anakan.
Tiniyak ni Bishop Dela Peña na nakahanda na ang mga grupo at organisasyon na tumulong sa proyekto ng Prelatura tulad ng Tanging Yaman Foundation, Couples For Christ Mindanao Region at National, Caritas Philippines at Caritas Internationalis.
Ika – 23 ng Mayo 2017 ng kubkubin ng teroristang grupong Maute ang Marawi City kung saan tumagal ng limang buwan ang digmaan sa pagitan ng sandatahang lakas ng Pilipinas sanhi ng paglikas ng kalahating milyong indibidwal.
Una nang nagpaabot ng panalangin ang Kan’yang Kabanalan Francisco noon para sa katarungan at kaligtasan ng mga apektadong residente at tuluyang manumbalik ang kapayapaan sa lugar.