598 total views
Hinikayat ng opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines ang mamamayan na huwag ipaubaya sa mga mambabatas ang pagtutol sa same sex marriage.
Ayon kay Fr. Jerome Secillano, Executive Secretary ng CBCP-Permanent Committee on Public Affairs, dapat na mag-ingay ang mga karaniwang mamamayan at ipahayag ang kanilang pagtutol.
Iginiit ng Pari na hindi maaring gamiting batayan ang ginagawang on-line survey sa social media ng Kongreso sa tunay na saloobin ng mayorya ng mga Filipino.
“Palagay ko meron pa ring mga kongresista na maaring hindi pa naman talaga bukas sa ganiyang uri ng union. Kaya ang mga Filipino naman palagay naroon pa rin ang pananaw sa tradisyunal na marriage ay kinakailangan din ay magvoice-out ng kanilang oposisyon tungkol ditto. As early as now kinakailangan na ang mga Filipino mag-ingay na rin para ma-derail kung ano man ang plano ng house of representatives,” ayon kay Fr. Secillano.
Naniniwala din si Fr. Secillano na mahalagang mapakinggan ang tunay na hinaing ng publiko lalu na sa panukalang hindi sang-ayon sa pananampalataya maging sa kultura ng mga Filipino.
“Palagay ko yung survey naman na ‘yan. Hindi naman yan pagga-gauge ng katotohanan, ibig ko sabihin yung sentimyento lang ng ilan. At hindi naman iyon reflection ng buong sentimyento ng mga Filipino,” ayon kay Fr. Secillano sa panayam ng Radio Veritas.
Sa survey ng Social Weather Station (SWS) noong 2018, bagamat LGBT friendly ang bansa, 61 porsyento sa higit isanlibong respondents ang tutol sa pagsasabatas ng same sex marriage.
Ayon naman sa Marriage Encounter Foundation of the Philippines (MEFP), hindi dapat manahimik ang mananampalataya kundi dapat ay kumilos para tutulan na maisabatas ang mga death bills tulad ng same sex marriage na maglalagay sa panganib sa katatagan ng pamilyang Filipino.
Read: Marriage Encounter Foundation, kikilos laban sa same sex marriages
Pagsusulong ng death bills
Naniniwala rin si Fr. Secillano, na magiging hamon sa simbahan at grupong hindi sang-ayon sa same-sex marriage, divorce at death penalty ang kasalukuyang kongreso lalu’t inaasahan ang muling paghahain ng mga panukala.
“Mahirap kasi kung halimbawa ang labanan ngayon ay tyranny of numbers-nandiyan lang sa kongreso both houses, sa lower house at upper house ang senate at malamang sa malamang sa ito ay isang napakalaking challenge sa simbahan unang una at sa iba pang sektor na hindi naniniwala na ang mga batas na ito ay magiging epektibo,” ayon sa pari.
Inihayag ni Father Secillano na ngayon pa lamang habang hindi pa nagsisimula ang 18th Congress ay dapat nang simulan ang pagbibigay ng paliwanag sa publiko hinggil sa epekto at implikasyon ng mga panukalang tinutulan ng simbahan.
“Kinakailangan na ipakita ng mga Filipino ang kanilang pag-oppose tungkol dito at hindi lang dapat ang simbahan ang maririnig ang boses kundi ang ordinaryong mamamayan ipakita din nila ang kanilang pag-ayaw.” pahayag ng pari.