169 total views
Inanayayahan si Marawi Bishop Edwin Dela Peña sa isang pagtitipon sa Roma upang talakayin ang sitwasyon ng mga residente sa lugar bilang mga internally displaced person.
Naunawaan ni Bishop Dela Peña ang pagiging kinatawan sa nasabing pagpupulong sapagkat mismong sarili niya ang nakaranas maging IDP at kaisa sa mga residente ng Marawi.
“I can understand nilagay yung pangalan ko because I myslef is IDP (Internally Displaced Person) our Church is internally displaced,” pahayag ni Bishop Dela Peña sa Radio Veritas.
Magugunitang ika – 23 ng Mayo 2017 nang sumiklab ang kaguluhan sa Marawi City makaraang i-hostage ang mga mananampalataya sa St. Mary’s Cathedral habang nagno-novena para sa kanilang kapistahan.
Kasamang dinukot si Rev. Fr. Teresito Suganob ang Vicar General ng Prelatura ng Marawi.
Tumagal nang limang buwan ang digmaan sa pagitan ng Maute terrorist group at ng Sandatahang lakas ng Pilipinas sanhi ng pagkasawi ng higit isanglibong indibidwal habang halos kalahating milyon ang nagsilikas at itinuturing na Internally Displaced Person.
Iginiit ng Obispo na maging ang Simbahang Katolika ay maituturing na kabilang sa IDP sapagkat hanggang sa kasalukuyan ay nanatili itong wasak at hindi pa nasimulang makumpuni batay na rin sa abiso ng pamahalaan na huwag pumasok sa ground zero.
Pansamantalang isinasagawa ang mga Banal na Misa sa mga tent na kasalukuyang tinitirhan ng mga residenteng Kristiyano dalawang taon na ang nakalipas.
Ayon kay Bishop Dela Peña, gaganapin ang konsultasyon para sa mga IDP sa Roma sa ika -7 hanggang ika – 9 ng Hulyo, isang buwan matapos ang ‘Ad limina visit’ ng mga Obispo ng Pilipinas sa Santo Papa.
Ibinahagi pa ni Bishop Dela Peña na mas inaalala nito ang kalagayan ng mga residenteng Muslim na dismayado dahil hindi pa nakababalik sa kanilang mga lugar.
Samantala, nakahanda naman ang Simbahang Katolika sa pangunguna ng Prelatura ng Marawi upang simulan ang proyektong pabahay para sa 150 pamilya ng mga Kristiyano sa lugar.