536 total views
Hindi sang-ayon ang Pro-Life Philippines Foundation sa isinagawang online poll survey ng House of Representatives para alamin ang saloobin ng mamamayan hinggil sa usapin ng same sex marriage.
Ito ang binigyang diin ni Rita Linda Dayrit-Pangulo Pro-Life Philippines.
Sa halip ayon kay Dayrit, tungkulin ng mga mambabatas bilang kinatawan sa Kongreso na alamin ang paninindigan ng mamamayan sa pamamagitan ng pakikipag-pulong o town hall meeting sa bawat barangay.
Sa pamamagitan nito ay mapapakinggan hindi lamang ang desisyon kundi maging ang mga dahilan ng kanilang paninindigan sa mga usapin.
Dagdag pa ni Dayrit, dapat na igalang ng mga mambabatas ang proseso ng paggawa ng batas kung saan dapat na pahalagahan ang Saligang Batas at maging ang paniniwala ng mamamayan.
“We have representatives yan ang trabaho nila in order to know the pulse of their constituents and then also to remember that that is against the constitution, to please honor the constitution and the religious beliefs of the Filipinos, siguro mas maganda diyan parang town hall meeting per barangay, per city it will be a tedious process but it has to be like that because it is a serious matter,” ang pahayag ni Dayrit sa panayam sa Radyo Veritas.
Ayon pa kay Dayrit hindi maaabot ng naturang online poll ang lahat ng mga mamamayan kaya’t hindi ito naaangkop na maging paraan ng pananaliksik sa pulso ng taumbayan.
Sa kabila nito, nanawagan pa rin ang Pro-Life Philippines sa mga mananampalataya na makibahagi online poll upang maipakita ang pagtutol sa panukala.
“Pino-promote namin yan to everybody pero mahirap naman kasi, we do not know kasi kung sino yung sumasagot diba, for me for something that is very important bakit online poll? Mas maganda siguro per LGU na talagang mag-aattend ang mga tao saka baka maraming hindi inaabot eh pero importante sa kanila ito, for something very serious huwag naman online polling, kasi maraming hindi naaabot ang online,” dagdag pa ni Rita Linda Dayrit.
Una na ring sinabi Fr. Jerome Secillano, Executive Secretary ng CBCP-Permanent Committee on Public Affairs na hindi maaaring gamiting batayan ang ginagawang online survey ng Kongreso upang malaman ang tunay na saloobin ng mga Filipino sa anumang usapin gaya na lamang ng same sex marriage.
Sa survey na isinagawa ng Social Weather Station (SWS) noong 2018, lumabas na bagamat LGBT friendly ang mga Filipino ay nananatiling 61 porsyento ang tutol sa pagsasabatas ng same sex marriage sa bansa.
Nasasaad rin sa Family Code na nakapaloob sa Saligang Batas ng Pilipinas na ang pagpapakasal ay nararapat sa pagitan lamang ng isang lalake at isang babae.