201 total views
Ito ang inihayag ni Novaliches Bishop-Emeritus Teodoro Bacani Jr., sa ginanap na misa sa pagdiriwang ng kapistahan ng Our Lady of Veritas ang patron ng Radio Veritas at Kapanalig Community.
“Kapag totoo sa sarili magiging totoo rin sa iba. ‘yan ang sikapin natin na tayo bilang anak ni Maria na Ina ni Veritas na maging uliran sa pagsasabi ng katotohanan at pamumuhay na ayon sa totoo,” ayon sa homiliya ni Bishop Bacani.
Iginiit Obispo na may malalim na dahilan para tawaging Ina ng Veritas ang Mahal na Birhen dahil siya ang Ina ng Diyos na si Hesus na pumarito sa lupa para magpatotoo sa katotohanan.
Kaya’t habilin ng Obispo sa mga namimintuho kay Maria na ibandila ang katotohanan sa salita at sa gawa.
Kasabay ng pagdiriwang ng Our Lady of Veritas -ang kapistahan ng pagtatalaga sa Kalinis-linisang Puso ni Maria o ang Consecration of the Immaculate Heart of Mary ng buong bansa.
Sa inilabas na pahayag ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), inaasahan ang lahat ng katedral, simbahan at kapilya sa buong bansa na dasalin ang pagtatalaga sa Kalinis-linisang Puso ni Maria.
Ang Pilipinas ay kilala sa pamimintuho sa Mahal na Birhen na tinagurian din bilang Pueblo Amante de Maria kung saan may higit sa 40 imahe ng Mahal na Ina sa buong bansa ang binigyang pagkilala ng Vatican.