185 total views
Inaanyayahan ng pamunuan ng Kristong Hari Parish ang mananampalataya na suportahan ang gaganaping konsiyerto ni Comedy Queen Ai-ai Delas Alas.
Ayon kay Rev. Fr. Roland Jaluag, Diocesan Priest -In-Charge ng Kristong Hari future Shrine for the Youth, layunin ng pagtitipon na makalikom ng pondo para sa pagtatayo ng Simbahan sa Commonwealth Quezon City na ilalaan para sa mga kabataan.
“To raise funds for the church construction, and also thanksgiving for Bishop Tobias as he is due to retire and leave the Diocese soon,” pahayag ni Fr. Jaluag sa Radio Veritas.
Sinabi ng Pari na ito rin ay pasasalamat ni Novaliches Bishop Antonio Tobias sa halos dalawang dekadang paglilingkod sa Diyosesis kung saan pinamunuan ang higit isang milyong Katoliko katuwang ang higit isandaang mga Pari na nangasiwa sa pitumpong mga parokya.
Inihayag ni Fr. Jaluag na nangangailangan pa ng karagdagang pondo ang nasabing proyekto bagamat nauna nang nakalikom ng 250 milyong piso na ginastos sa 50 porsyentong completion rate ng gusali.
Sa katapusan ng Hunyo ay matatapos na ang structural works nito habang sa Hulyo nakatakdang simulan ang roofing at finishing ng Simbahan.
“We need more funds. We have already raised 250 M, more or less, and we need 250 M more to more or less finish the project,” dagdag pa ng Pari.
Pursigido ang mga namumuno sa proyekto na matapos ito bago ang nakatakdang pagretiro ni Bishop Tobias makaraang maabot ang mandatory retirement age na 75 taong gulang tatlong taon na ang nakalipas.
Ang A.I. H.E.A.R.T R.C.B.N. concert ay gaganapin sa ika – 24 ng Hunyo sa Araneta Coliseum na magsisimula sa ikapito ng gabi.
Bukod sa pasasalamat ni Bishop Tobias na magdiriwang ng kanyang ika – 78 kaarawan sa June 13, ito rin ay handog ni Delas Alas sa kanyang mga tagahanga bilang pasasalamat sa ika – 30 taon sa industriya ng showbiz.
Dahil dito umapela si Fr. Jaluag sa mananampalataya na tangkilikin ang konsyerto bilang pakikiisa sa adhikain ng diyosesis at pagpapakita ng pagmamahal kay Bishop Tobias na nagsusumikap matapos ang Dambana para sa mga Kabataan bago ito magretiro.
“Let us continue help each other build Kristong Hari future Shrine of the Youth, and let the Bishop feel our love and gratitude with our presence in the concert,” dagdag pa ni Fr. Jaluag.
Para sa ticket maaring makipag-ugnayan sa Kristong Hari Parish sa telepono (02) 427-8367 o makipag-ugnayan sa mga Parokya ng Diyosesis ng Novaliches.
Ang ticket ay nagkakahalagang P200.00, P500.00, P1000.00, P1500.00, P2000.00, P2500.00, at P5000.00