197 total views
Naniniwala ang isang opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na dapat muling pag-aralan ang umiiral na Republic Act 7941 o Party-list System Act sa Pilipinas.
Sa panayam ng Radio Veritas, sinabi ni Fr. Jerome Secillano, Executive Secretary ng CBCP-Permanent Committee on Public Affairs, hindi na nagagampanan ng Party-list system ang tunay na layunin ng batas bilang kinatawan ng marginalized at underrepresented sector sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Inihayag ni Father Secillano na karamihan sa mga nanalong partylist ay nagagamit ng political dynasty at traditional politician para mapalawak at mapatatag ang impluwensiya.
“Naging laruan ng mga pulitiko kumbaga kitang-kita dito yung political patronage in a sense that only the big politicians who can actually finance such party-list groupings, sila ngayon ang namamayagpag,” ayon kay Fr. Secillano.
Ikinalulungkot ng Pari na ang lehitimong party-list na tunay na kumakatawan sa marginalized sector ay naisasantabi.
“Dahil unang-una wala silang makinarya, meron sila talagang nire-represent ng ating marginalized sector ng ating lipunan pero dahil sa kakulangan ng makinarya mas nawawala tuloy sila. Mas dito namamayagpag ang mga hinahawakan ng mga pulitiko, may backing ng mga malalaking tao. So bastardized,” ayon kay Fr. Secillano.
Nangangamba naman ang pari na hindi rin maging matagumpay ang pag-aalis o pag-amyenda ng party-list system act lalu’t ang sistema ay pinapakinabangan ng dinastiya.
“Nakikita natin dito na mayroon talagang loophole ang sistema, ang pinakamatinding-isyu dito ay ineexploit nila ‘yung loophole sa sistema, at maaring hindi lamang si (Ronald) Cardema ang dapat na tutukan dito. Ang dapat na mas matindi na tingnan dito, i-rebisa kung may dapat na irebisa. Ako ang personal kong paninindigan kung maari nga itong partylist system na ito i-rethink nila,” dagdag pa ni Fr. Secillano.
Sa katatapos lamang na halalan, nanguna ang Bayan Muna party list sa labing apat na party list group na nakakuha ng higit sa dalawang porsyento ng botong kailangan para makakuha ng isang puwesto sa Mababang Kapulungan.
“Cardema para sa Duterte Youth, tapos sabihin na natin itong kay Cardema, mas pinalala pa. ito ang naging mukha ngayon ng kasalukuyang sitwasyon at kasalukuyang status ng partylist system. Na-bastardize na, nahaluan na ng pulitika at kitang-kita natin dito na napaglaruan na ang sistema,” ayon pa sa pari.
Unang inaprubahan ng mayorya ng mga commissioner ng Commission on Elections (Comelec) ang usapin ng substitution ni Duterte Youth Chairman Ronald Cardema bilang 1st nominee ng partylist.
Sinabi naman ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon na hindi pa ring maaring maupo bilang kinatawan ng Duterte Youth si Cardema dahil hindi pa nareresolba ang ‘qualification’ na isang hiwalay usapin.
Nasasaad sa batas na bilang kinatawan ng Youth sector ay kinakailangan na nasa edad 25 hanggang 30 taon gulang habang si Cardema ay 33 taong gulang na.