166 total views
Pinaburan ni dating Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) president at Lingayen, Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz ang pinaplano ng susunod na administrasyon na ibigay ng libre ang mga lupain sa mga magsasaka.
Ayon kay Archbishop Cruz makakapagbigay ginhawa sa mga magsasaka ang isusulong na bagong programa sa lupang agraryo upang tuluyan ng mapamahalaan ng mga magsasaka ang lupa na matagal na nilang ipinaglalaban.
Hiniling naman ni Archbishop Cruz na bagaman matagal ng hawak ng ilang mga panginoong may lupa tulad ng mga Cojuangco ay nararapat pa rin na magkaroon ng isang “symbolic payment o nominal transmission” bilang pagkilala sa bagong may – ari na nito.
“Mabuti na kahit nominal o symbolic payments man lang ay mayroon… Kahit nominal fee lamang magbigay yung mga farmers pero hindi naman kailangan malaki. Unang – una hindi nila kayang bayaran. Ikalawa ay marami na silang nabayad kung ilang taon na yang yung mga Cojuangco sa Tarlac na yan. Okay yan para maging kanila pero kahit paano ay symbolic payments man lang ay mayroon,” bahagi ng pahayag ni Archbishop Cruz sa panayam ng Veritas Patrol.
Iniulat naman ng Bureau of Agricultural Statistics noong 1991 na 9,500 panginoong maylupa lamang ang nagmamay-ari sa halos 21 porsyento ng kabuuang lupaing agrikultural ng Pilipinas.
Samantala, mahigit dalawang milyong magsasaka, na nagmamay-ari lamang ng kulang sa tatlong ektarya bawat isa, ang nagsisiksikan at naghahati-hati sa 18.5 porsyento ng lupaing agrikultural.