224 total views
Mga Kapanalig, sa pagkakapanalo nitong nakaraang halalan ng mga party-list groups na wala namang malinaw na sektor na kinakatawan, walang matibay na track record sa adbokasiya, o kaya naman ay kinakatawan ng mga taong may kuwestyunableng kwalipikasyon, tunay ngang nasalaula na ang party-list system sa bansa.
Nang isulong noong 1995 ang Party-list System Act o Republic Act No. 7941, ang pangunahing layunin ng mga nagtulak nito ay mabigyan ng boses ang mga itinuturing na marginalized at underrepresented sectors sa bansa, mga sektor na hindi nabibigyang-tinig ng mga inihahalal na congressman o congresswomen sa kani-kanilang distrito. Kabilang sa mga sektor na dapat kinakatawan sa party-list system ay ang mga manggagawa, magsasaka, maralitang tagalungsod, katutubo, mga matatanda, may kapansanan, kababaihan, kabataan, mga beterano, OFWs, at mga propesyunal.
Sa mga nanalong party-list groups nitong nakaraang eleksyon, ilan sa kanila ang tunay na kumakatawan sa mga marginalized at underrepresented na sektor sa bansa?
Sinasabing nanalo ang isang party-list group dahil sa madrama nitong patalastas kung saan kasama ang isang dating broadcaster na nasangkot, kasama ang kanyang mga kapatid, sa umano’y katiwalian noong nasa gobyerno pa ang isa nilang kapatid. Nariyan din ang mga party-list groups na katunog ng isang sikat na teleserye at inendorso pa ng mismong artistang gumaganap sa nasabing palabas. Pati mga nagnenegosyo ng LPG at electric cooperatives, wagi rin sa party-list kahit pa karamihan sa kanila ay hindi naman mahihirap. Naging daan din ang party-list system upang maluklok sa puwesto ang mga political dynasties; bumuo sila ng party-list groups na kumakatawan umano sa mga sektor o mga magkakarehiyon katulad ng mga Bikolano, Waray, at Bisaya na hindi naman maituturing na mga sektor. Sapat din ang botong nakuha ng mga grupong binubuo ng mga masugid na tagasuporta ni Pangulong Duterte upang makakuha ng puwesto sa Mababang Kapulungan.
Sadyang madiskarte ang mga ganid sa kapangyarihan upang baluktutin nang mapakinabangan ang isang dapat sana ay magandang sistemang magbibigay ng boses sa mga nasa laylayan. At batay sa kinalabasan ng eleksyon, duda tayo kung talaga nga bang nauunawaan ng mga botante kung para saan ang party-list system. Sa pagkakapanalo ng mga grupong malinaw na hindi ang interes ng mga sektor ang isinusulong kundi ang interes ng kanilang pamilya o negosyo, sinayang nating mga botante ang pagkakataong patatagin ang ating lipunan sa pamamagitan ng pagbibigay ng boses sa mga hindi pinakikinggan, ng tinig sa mga isinasantabi.
Katulad ng sinasabi sa mga panlipunang turo ng Simbahan o Catholic social teaching, ang paglahok sa pagbubuo ng isang pamayanan—at isang lipunan—ay isa sa mga pamamaraan upang makaambag tayo sa pagtatanggol sa dignidad ng tao, sa pagtataguyod sa katotohanan at kalayaan, at sa pagsusulong ng katarungan at pag-ibig. Kaakibat nito ang pagtiyak na ang mga balangkas ng ating lipunan—kasama ang pulitika at pamahalaan—ay gumagana para sa kabutihang panlahat o common good.
Kung ang ating pakikilahok sa pagtatatag ng ating pamayanan at lipunan (sa pamamagitan, halimbawa, ng pagboto sa halalan) ay hindi nakatuon sa layuning makikinabang ang lahat sa kaunlaran at walang naiiwan sa laylayan, tumutungo tayo sa maling direksyon at ipinapahamak natin ang isa’t isa. “Participation is a duty to be fulfilled consciously by all, with responsibility and with a view to the common good.” Ang pakikilahok sa lipunan ay isang tungkuling tinutupad natin nang may responsibilidad at may pagtanaw sa kabutihan ng lahat.
Kaya mga Kapanalig, dahil nariyan na at nanalo ang mga party-list groups na may kuwestyonableng motibo, ang magagawa natin ngayon ay bantayan ang kanilang mga isusulong na mga batas kung tunay nga bang makabubuti ang mga ito sa mga sektor na dapat binibigyang-kapangyarihan ng nasalaula nang party-list system.
Sumainyo ang katotohanan.