237 total views
Mga Kapanalig, isang magandang balita. Noong isang linggo, nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act No. 11310 na ginagawang permanenteng anti-poverty program ng pamahalaan ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program o mas kilala bilang 4Ps.
Sa pamamahala ng DSWD, katuwang ang ilan pang ahensya katulad ng DOH, DepEd, at TESDA, ipinatutupad ng pamahalaan ang 4Ps upang tulungang umangat ang buhay ng mahihirap sa pamamagitan ng direktang pagbibigay ng tulong-pinansyal. Ngunit ang perang ibinibigay sa kanila buwan-buwan ay may kaakibat na mga kundisyon, katulad ng pagtiyak na araw-araw pumapasok sa paaralan ang mga bata, ng regular na pagpapa-check-up ng mga buntis at pagpapabakuna sa mga anak, at ng pagdalo sa mga tinatawag na family development sessions na tutulong sa pagpapabuti ng samahan ng mga mag-asawa. Dapat nating maunawaang hindi sinusulosyunan ng 4Ps ang kahirapan; sinusubukan nitong ihinto ang tinatawag na intergenerational poverty o kahirapang naipapasa sa mga anak sa pamamagitan ng pagtiyak na nakapag-aaral sila at maayos ang kanilang kalusugan.
Hango sa mga conditional cash transfer o CCT programs sa mga bansa sa Latin Amerika at Africa, ang 4Ps ay sinimulan ng administrayong Arroyo at ipinagpatuloy naman ng sumunod sa kanyang si dating Pangulong Noynoy Aquino. Ayon sa DSWD, mula noong simulan ang 4Ps noong 2008 hanggang nitong nakaraang Pebrero, halos 5 milyong pamilya na ang natulungan ng programang ito.
Maituturing ang pagsasabatas ng 4Ps Act na isang paraan ng pagtataguyod ng katarungang panlipunang malinaw na nakasaad sa ating Saligang Batas. Sa paglalaan ng sapat na pondo sa programa (na sana ay matapatan ng epektibo at maayos na pagpapatupad nito), nabibigyang-proteksyon at napauunlad ng ayudang ito mula sa pamahalaan ang dignidad bilang tao ng mga kababayan nating hikahos sa buhay. Nabibigyan sila ng pagkakataong makinabang sa mga serbisyo ng pamahalaan, at sa ganitong paraan, naiibsan kahit papaano ang hindi pagkakapantay-pantay o inequality sa ating lipunan. Sa pagtiyak na hindi na maipapasa sa mga susunod na henerasyon ang karukhaan ng kanilang pamilya dahil namumuhunan ang pamahalaan sa kalusugan at edukasyon ng mga bata, unti-unti nating makakamit ang kabutihang panlahat o common good.
Ang magagandang layunin ng 4Ps ay sang-ayon sa mga panlipunang katuruan ng Simbahang Katolika. Simula pa noong inilabas ang itinuturing na kauna-unahang social encyclical na Rerum Novarum, ang mga kapos sa buhay ang binibigyang-tinig ng Simbahan upang tulungan sila at maipagtanggol mula sa mapang-abuso at paulit-ulit na sistema ng kahirapan. Gayunman, kailangan pa rin nating tutukan ang implementasyon ng isang bagong batas na ang pangunahing layunin ay makaabot sa mga higit na nangangailangan ang mga pangunahing serbisyong karapat-dapat lamang nilang mapakinabangan upang makaahon sa kahirapan.
Una sa lahat, kailangang matiyak na makatarungan at wasto ang sistema ng pagpili ng mga kabilang sa 4Ps. May mga pumupuna kasing naisasali sa programa ang mga hindi naman daw talagang nangangailangan, habang ang mga karapat-dapat na mapabilang ay hindi naaabot ng programa.
Ikalawa, kailangang pag-ibayuhin ng pamahalaan ang mga serbisyong pangkalusugan at pang-edukasyon nito upang makamit ng mga benepisyaryo ang maayos na kalusugan at de-kalidad na edukasyon para sa kanilang mga anak. Ngayong permanente na ang 4Ps, wala nang dahilan upang hindi matustusan ang programa.
Panghuli, dapat nakapaloob sa pagpapatupad ng programa ang pagsubaybay sa epekto ng programa—positibo man o negatibo—sa mga pamilya. Mahalaga ito hindi lamang upang matiyak na may pinatutunguhan ang milyun-milyong pondo ng programa kundi upang matulungan ang mga kababayan nating mapalago ang mga positibong bunga ng programa at maiwasan ang mga bagay na maglilihis sa kanila sa layunin ng 4Ps.
Mga Kapanalig, kasama ng pamahalaan ang Simbahan sa pagkamit ng mga mabubuting layunin ng 4Ps at sa pagbabantay sa pagpapatupad nito.
Sumainyo ang katotohanan.