225 total views
Kinakailangan magtulungan ang pamahalaan, ang Simbahan at ang pamilya upang masugpo ang paglaganap ng mga gumagamit at nagbebenta ng ipinagbabawal na gamot
Ayon kay Archdiocese of Manila Restorative Justice Ministry priest in charge, Fr. Roberto ‘Bobby’ Dela Cruz, sa pagkilos ng gobyerno kinakailangan mahigpit na ipatupad ang batas sa halip na katiwalian gaya ng ‘lagay system’ na umiiral upang makalabas ng kulungan.
Aniya, habang sa panig ng Simbahan, kumilos sa pamamagitan ng aktibong pagbabahagi ng mga turo ni Hesus at sa pamilya, tiyakin na nagagabayan ang bawat miyembro, iparamdam ang pagmamahal at ipakita na sila ay mahalaga at may dignidad.
“Ang problema corruption talaga, kaya malalakas ang loob, halimbawa ako kapag nakukulong, nakakalabas ako, sa City Jail, lahat pupuwede, isa sa ugat bakit nagpapatuloy ang ganitong system walang takot ang mga drug dependents at pusher kasi nakakalusot ka naman, kung alipin ka ng gamot ayun, wala ka na ring takot, solusyon higpitan lang ang batas talaga kung huli huli talaga no need ang death penalty at sa panig ng Simbahan, may pagkukulang tayong Simbahan din naturingan tayong katolikong bansa, nagkulang tayo na palaganapin ang utos ni kristo to evangelize, sa pamilya sa magulang mahalin ninyo ang inyong mga anak… mahalin ninyo anak niyo, importante yung encounter nati sa Diyos di mangyayari unang una sa magulang, maeencounter ng anak ninyo ang Diyos kung mamahalin ninyo sila unconditionally.” Pahayag ni Fr. Dela Cruz sa panayam ng Radyo Veritas na isang dating drug dependent.
Kaugnay nito, inihayag ng pari na hindi nararapat ang death penalty sa bansa dahil ang lahat ay may karapatang magbago gaya niya at ng iba pa niyang kasamahan sa paggamit ng droga na naging huwaran pa sa ngayon dahil sa kanilang pagbabago.
Iginiit din ni Fr. Dela Cruz na isa sa nagpabago sa kanya at sa kanyang mga kasamahan ay noong marinig nila ang mga Salita ng Diyos na tumimo sa kanilang puso at isipan
Dagdag ng pari, isa rin sa nagpabago sa kanya ang pag-ibig ng kanyang ina na ipinaramdam sa kanya ng kanyang ina na siya ay may silbi sa lipunan.
“Mabuti may mag-evengalize sa Saint Paul, sa QC at napunta ako dun at nakapakinig ako ng Mabuting Balita dun na nagsimula, walang makapagpabago sa akin, kundi ang Salita ng Diyos,
Inihayag ng pari na nagawa niyang gumamit ng iligal na droga dahil lamang sa estado ng pagkilala sa lipunan.
“Lahat tayo naghahanap ng kaligayanan kaya lang sa ibat-ibang paraan hinahanap, sa karanasan, ko, High School pa ako nagsimula, para maiba, maging cool, nagsimula akong bumili sa mga kaklase ko rin, so para maging cool ka magtutulak ka rin, ganun lang nagsimula, hindi naman dahil sa pera lang o para manakit ng tao..” ayon pa sa pari.
Sa Record ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA noong 2015, tinatayang nasa 1.8 milyong Filipino ang drug dependents
Mahigit 8,000 barangay naman sa bansa ang may iligal na operasyon ng droga o 20.51 % mula sa 42,065 na barangays.
Mariing kinokondena ng Kanyang Kabanalan Francisco ang paggamit ng iligal na droga bilang “recreational drugs” dahil sumisira ito ng lipunan, pamilya, buhay at kinabukasan.