303 total views
Ginawaran ng Kanyang Kabanalan Francisco ng Coronacion Canonica ang imahe ng Mahal na Birhen ng Dolorosa sa Dolores Quezon.
Ipinagkaloob ito ng Santo Papa matapos mapatunayan ang malalim na debosyon ng sambayanan na nagpayaman sa pananampalataya ng mga Filipino.
Ika-28 ng Marso ng kasalukuyang taon, inaprubahan ng Santo Papa ang dekreto ng pagkilala ng Simbahang Katolika sa imahe ng Mahal na Birhen Dolorosa.
Inanunsyo naman ito sa mga mananampalataya sa pamamagitan ng sirkular ni Diocese of Lucena Bishop Mel Rey Uy, noong ika-9 ng Hunyo.
Nakatakda ang Canonical Coronacion Rite para sa mahal na Birhen sa ika 25-ng Marso, 2020.
Matatandaang bago ang pagkilala ng Vatican ay una nang ginawaran ng Episcopal Coronation ang imahe noong ika-12 ng Abril, 2019.
Kasabay nito ang ika-25 Anibersaryo ng pagkakatalaga ng parokya ng Mahal na Birheng Dolorosa bilang pandiyosesanong dambana, noong 1994.
Ika-15 naman ng Hunyo taong 2017 nang maideklara ito bilang pambansang dambana ng Mahal na Birheng Dolorosa.
Bilang pasasalamat sa pagkilala ng Roma, hinandugan ni Bishop Uy ng imahe ng Mahal na Birheng Dolorsa ang Santo Papa noong nagsagawa ang mga Obispo ng Visita Ad Limina Apostolorum.
Ang Pilipinas ay tinaguriang pueblo amante de Maria dahil sa masidhing pagmamahal at pamimintuho ng mga Pilipino sa Mahal na Ina.
Sa pagtatala ang Birhen ng Dolorosa sa Dolores, Quezon ang pang 44 sa mga imahe sa Pilipinas na gagawaran ng Coronacion Canonica.
Ang Parokya nito ay naitatag noong 1840 kaya naman ang imaheng kokoronahan ay mahigit na sa isang daang taon.