548 total views
Inihayag ni Balanga Bataan Bishop Ruperto Santos na dapat suportahan at kalingain ang mga guro bilang pagkilala sa kanilang paglilingkod sa lipunan.
Sinabi ni Bishop Santos na Chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People na bilang pangalawang magulang ay malaking responsibilidad ang ginagampanan ng mga guro sa paghubog sa pagkatao ng mga kabataan.
“Our teachers deserve our affection and admiration for their sacrifices and services for our young people,” pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Iginiit ni Bishop Santos na nararapat mabigyan ng maayos na lugar ang mga guro sa paaralan kung saan maaring magpahinga at magsagawa ng kanilang mga pang araw-araw na gawain tulad ng pagsuri sa output ng mga estudyante.
Ito ang tugon ng Obispo sa sitwasyon ng ilang guro na ginawang faculty room ang mga palikuran dahil sa kakulangan ng silid sa mga eskwelahan.
Kamakailan, ay nag-viral ang post ni Maricel Herrera isang guro ng Bacoor National Highschool kung saan ipinakita sa publiko sa pamamagitan ng social media ang pagkadismaya dahil sa kakulangan ng sapat na pasilidad para sa mga guro.
Binigyang diin naman ni Bishop Santos na karapatan ng bawat guro ang maayos na silid pahingahan kapalit ng kanilang maghapong pagtuturo at paggabay sa mga bata.
“With their vocation of teachings they mould them to be future leaders, transforming them to be useful and responsible citizens of country; all support should given to them, providing conducive atmosphere for their inspired teachings,” ani ng Obispo.
Batay sa tala ng Department of Education halos isang milyong mga guro ang naglilingkod karamihan sa pampublikong paaralan kung saan sinisikap na ahensya na maipatupad ang 1 guro sa bawat 35 mga estudyante.
Iginiit naman ni Bishop Santos na ang pagbibigay ng mga pasilidad para sa mga guro ay pagpapakita ng pasasalamat sa kanilang mga sakripisyo na magiging katuwang ng mga magulang sa paghubog ng talento, kakayahan at pagkatao ng mga kabataan.
“Providing comfortable living conditions, appreciative remarks are our tangible expressions of our gratitude to them and their encouragement to give their best to the schools,” saad pa ni Bishop Santos.
Bukod sa maayos na pasilidad mahalaga ring mabigyan ng wastong pasahod at benenipisyo ang mga guro batay na rin sa ensiklikal na Laborem Exercens ni Saint John Paul II na nakatuon sa pagpapahalaga sa bawat manggagawa sa pamayanan.