185 total views
Hinimok ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mga guro sa General Assembly ng Roman Catholic Archbishop of Manila Educational System o RCAM-ES na itaguyod ang misyon ng simbahan.
Sa ilalim ng temang “Youth Empowered to Serve for Christ”, binigyang diin ni Cardinal Tagle na kinakailangang tiyakin ng mga guro na sa Panginoon nagmumula ang kanilang paghubog sa mga mag-aaral.
Sinabi ng Kardinal na hindi manggagaling sa tao o sa kaninuman ang kapangyarihan ng mabuting paghubog kun’di tanging sa Diyos lamang na nagpapanibago sa bawat tao.
“We are not the ones empowering our students. We hope that they will be empowered by the Holy Spirit, by Jesus Christ, by the Gospel so that they will become good citizens and good disciples.” pahayag ni Cardinal Tagle.
Hinamon pa ng Kardinal ang mga guro na samahan ang mga estudyante sa araw-araw upang madama nila ang presensya ng Panginoon.
Inihayag ni Cardinal Tagle na sa ganitong paraan ay dadaloy sa mga kabataan ang kapangyarihan ng Panginoon na huhubog sa kanila bilang mabuting miyembro ng lipunan.
“Ang challenge ay sana tayo ay makasama ng mga estudyante araw-araw. Sana tayo ay maging instrument, maging channel ng power of God to transform people. Hindi power natin, power ng Diyos na padadaluyin natin sa pamamagitan ng pagtuturo, ugnayan at paglilingkod sa mga kabataan.” Dagdag pa ni Cardinal Tagle
Sa ika-19 ng Hunyo pangungunahan ni Cardinal Tagle ang Holy Spirit Mass ng mga paaralang kasapi ng RCAM-ES.
Isinasagawa ang Holy Spirit Mass sa pagsisimula ng bagong taon ng pag-aaral upang hingin ang tulong at gabay ng Espiritu Santo sa buong taon ng pag-aaral ng mga bata at pagtuturo ng mga guro.
Sa tala, ang RCAM-ES ay mayroong tinatayang 28 kasaping mga Catholic Schools mula sa Maynila, Mandaluyong, Makati at San Juan City.