158 total views
Hinamon ng pinuno ng Military Ordinariate of the Philippines ang mamamayan na suriin ang bawat isa kung ano ba ang tunay na kahulugan ng kalayaan sa kanilang buhay.
Ayon kay Military Bishop Oscar Jaime Florencio, sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ay mahalagang maunawaan ng tao ang ibig sabihin ng selebrasyon.
Naniniwala ang Obispo na ang tunay na kalayaan ay ang kahandaan ng bawat isa sa paglingkod sa kapwa at pagkalinga sa pangangailangan ng iba.
“I believe that the real independence is that we have to liberate from individualism and personalistic interest because the real independence is actually for the others,” pahayag ni Bishop Florencio sa Radio Veritas.
Binigyang diin ni Bishop Florencio ang kahalagahan ng pakikipagkapwa tao sa halip na maging makasarili at tinatalikuran ang tungkulin sa kapwa.
Ayon pa sa Obispo, kung malaya ang tao sa pagkamakasarili ay tuwinang makamtan ang tunay na kalayaan dahil mas lalawak ang pagtingin sa paligid na nakahandang makihalubilo sa pamayanan at tugunan ang pangangailangan ng kapwa.
Ipinaalala din ni Bishop Florencio sa lahat na manatiling kumapit sa Panginoon dahil si Hesus ang konkretong halimbawa sa pagiging tunay na malaya nang isinugo ito ng Diyos Ama na makipamuhay sa mga tao at nagbata ng paghihirap sa ikatutubos ng sanlibutan.
“Jesus free himself order to be one with us and to be able to serve the common good,” ani ni Bishop Florencio.
Dahil dito umaasa ang pinuno ng Military Diocese na tulungan ng Panginoon ang bawat isa na tanggapin ang tungkulin na ang tao ay nabubuhay hindi para sa sarili kundi para sa kapwa.
“Sana ang Panginoon ay tulungan tayo, bigyan tayo ng kanyang biyaya so that all of us will be working for the greater good and for the common good,” saad ng Obispo.
Una nang nagpahayag ng pagbati si Cebu Archbishop Jose Palma sa mga Filipino sa pagdiriwang ng ika – 121 Araw ng Kalayanaan at umaasang matamo ng bawat mananampalataya ang tunay na kahulugan ng kalayaan na naayon sa kalooban ng Panginoon at magdudulot ng pagkakaisa sa pamayanan.
Read: Kagitingan ng mga Filipino, ipagbunyi sa selebrasyon ng Independence day