248 total views
Nagpaabot ng pagbati at pasasalamat si Diocese of San Fernando, La Union Bishop Daniel Presto sa mga mananampalataya at makakalikasang grupo na naghahanda ng pagdiriwang sa paggunita ng pagsasapubliko sa encyclical na Laudato Si.
Ipinagdarasal ni Bishop Presto na nawa ay patuloy na mapagnilayan at matularan ng mamamayan ang mga gawaing itinuturo ng Santo Papa upang mapangalagaan ang kalikasan.
Ipinaalala ng Obispo na sa pag-aalaga sa kalikasan ay napangangalagaan din ng mga tao ang kapwa lalo na ang mga mahihirap na unang naaapektuhan ng pagkasira ng kapaligiran.
“Ako po ay bumabati sa lahat ng mga environmentalist at mga kapatid nating katoliko na nagdiriwang para sa anibersaryo ng pagka-release ng Laudato Si. Ito sana ay patuloy nating pagnilayan para sa gawain natin para sa mother nature, sapagkat ang encyclical na ito ay puno ng mga aral hindi lang proteksyon para sa mother nature kung hindi lalo’t higit sa pagkalinga natin sa kapwa natin mahihirap na maaaring maapektuhan, at naaapektuhan ng mga gawain na nakasasama sa mother nature.” pahayag ni Bishop Presto sa Radyo Veritas.
Iminungkahi pa ng Obispo na ituring na parang bibliya na patungkol sa pangangalaga sa kalikasan ang encyclical na Laudato Si.
Sinabi ni Bishop Presto na sa pamamagitan ng pagsasabuhay nito ay makatutulong ang tao sa kapaligiran at gaganti rin ng kabutihan sa tao ang kalikasan.
Pinayuhan din ni Bishop Presto ang mga kabataan na tumulong kahit sa maliit na pamamaraan sa pamamagitan ng pagsunod sa 3Rs na Reduce, Reuse, Recycle.
“Sa mga mumunting gawain na kayang gawin ng mga bata at mga kabataan, halimbawa ang reduce, reuse, recycle, pag-iwas sa paggamit ng plastics, pag-iwas sa pagtatapon ng basura kung saan-saan at marami pang iba. Nawa ang Laudato si ay maging isang para ding bibliya para sa atin, sa ating pagproteksyon para sa mother earth sapagkat kung gagawa tayo ng mga bagay na makatutulong sa mother nature, ito ay gaganti rin sa atin ng kabutihan.” Dagdag pa ng Obispo.
Ngayong ika-18 ng Hunyo gugunitain ang ika-apat na taon ng pagsasapubliko ng encyclical na Laudato Si.
Kaugnay dito, naghahanda ang mga mananampalataya para sa paglulunsad ng grupo ng mga kabataang nagsasabuhay ng mga turo sa encyclical.
Sa ika-22 ng Hunyo, ilulunsad ang Laudato Si-Gen Pilipinas, sa Quezon Memorial Circle.
Tema sa gagawing pagdiriwang ang “Filipino Youth, Standing for the Future of Our Common Home”.
Sisimulan ang pagtitipon sa pamamagitan ng banal na misang pangungunahan ni Caceres Abp. Rolando Tria Tirona – Chairman ng CBCP NASSA/Caritas Philippines.
Susundan ito ng mga programang magpapalalim sa pag-unawa ng mga kabataan sa mga suliraning kinakaharap ng kalikasan.
Ang pagtitipon ay pinangungunahan ng Global Catholic Climate Movement – Pilipinas kasama ang iba’t-ibang mga Catholic Schools, Non-Government Organizations, mga makakalikasang grupo at ang Radyo Veritas.