197 total views
Humiling sa mananampalataya ng patuloy na panalangin ang bagong talagang Obispo ng Diyosesis ng Iligan.
Ayon kay Bishop-Elect Jose Rapadas III, malaking hamon ang bagong tungkulin na iniatang ng Santo Papa sa kanya bilang pinunong pastol ng Diyosesis.
“This is another challenge for me, so I continually ask for your prayers para lagi kung kasama ang Espiritu Santo to help me in my responsibility now as a Bishop of Iligan,” pahayag ni Bishop-Elect Rapadas sa Radio Veritas.
Nagpasalamat si Bishop-Elect Rapadas sa mga kasamahang Pari sa Diyosesis at kay Ipil Bishop Julius Tonel sa pagpakita ng buong suporta sa kanyang pagkahirang bilang pinuno ng higit isang milyong mananampalataya sa Iligan katuwang ang mga Pari na nangangasiwa sa 26 na mga Parokya.
Ikinatuwa ni Bishop-Elect Rapadas ang tiwala ng Kanyang Kabanalan Francisco at maging ng mamamayan sa kanyang kakayahan na maging pinuno sa mga pastol ng Panginoon kapalit ng namayapang si Bishop Elenito Galido.
“I am very actually happy and joyful because of the trust and confidence that has been shown to me by the Pope [Francis} and siyempre yung mga taong, may evaluation yan that they saw in me that I can serve as a Bishop,” pahayag ni Bishop-Elect Rapadas.
Kasabay ng Kapistahan ni San Antonio De Padua ay hinirang ni Pope Francis si Fr. Rapadas na kasalukuyang Vicar General ng Diocese of Ipil sa Zamboanga Sibugay bilang Obispo ng Iligan.
Idineklarang Sede Vacante ang Diyosesis ng Iligan noong ikalima ng Disyembre 2017 nang pumanaw si Bishop Galido dahil sa malubhang karamdaman habang hinirang na pansamantalang mamahala sa Diyosesis si Dipolog Bishop Severo Caermare.
Ipinangak noong ika – 12 ng Hulyo 1972 sa Tondo, Manila at inordinahang Pari noong 1999 makaraang magtapos sa St. John Vianney Theological Seminary sa Cagayan de Oro City.
Sa paglilingkod bilang Pari ng 20 taon, iba’t ibang posisyon ang pinamunuan ni Bishop-Elect Rapadas tulad ng pagiging Seminary Professor, Director ng Office of Catechesis for the Family and Life, Rector ng Saint Joseph College Seminary at Professor ng Religious Studies sa University of Zamboanga.