544 total views
Binisita ni Apostolic Vicariate of Puerto Princesa Palawan Bishop Socrates Messiona ang mga mananampalataya sa iba’t-ibang maliliit na kapilya na kaniyang nasasakupan.
Mainit na sinalubong ng mga mananampalataya sa apat na iba’t-ibang kapilya si Bishop Messiona.
Aniya, ang pagiging aktibong ito ng mga mananampalataya ang tanda na buhay ang Panginoon at ang sambayanan ng Diyos sa maliliit na mga komunidad.
“Ang mga physical improvements ng Kapilya, ay isa lamang sa mga patunay na buhay ang komunidad, buhay ang sambayanan ng Diyos.” Pahayag ni Bishop Messiona.
Pinayuhan pa nito ang mga mananampalataya na palakasin ang pagkakaisa at pagtutulungan upang mapatatag ang samahan sa bawat simbahan.
Sinabi nito na nawa lahat ng gawain ng mga mananampalataya ay maging kaugnay ni Kristo.
“Lahat mga ginagawa natin bilang mananampalataya dito sa Kapilya dapat ay may kaugnayan sa pagkakaisa, pagtutulungan, pagdadamayan at pagpapalalim ng ugnayan kay Kristo.” Dagdag pa ng Obispo.
Umaasa din ito na sa pamamagitan ng kan’yang simpleng pagbisita, bagamat maiksi ay makapag bigay inspirasyon sa mga mananampalataya, at makatulong sa pagpapalalim ng kanilang pag-ibig sa Panginoon.
Ilan sa mga simbahan na una nang nabisita ni Bishop Messiona ay ang Nuestra Señora del Pilar sa Bgy. Babuyan, Sacred Heart of Jesus Chapel sa Anilawan, Our Lady of Antipolo Chapel sa Sitio Dakuton, San Rafael, at Jesus Nazareno Chapel sa Bgy. Concepcion, Puerto Princesa.