223 total views
Hinimok ng Dominican Sisters of the Holy Rosary in the Philippines ang mananampalataya na tularan ang gawi ni Venerable Mother Rosario Arroyo de la Visitación.
Ito ang inihayag ni Sr. Ma. Arlene Nacionales, Secretary General ng kongregasyon kaugnay sa pagkilala ng Vatican sa ‘heroic virtues’ ng namayapang madre.
Ayon kay Sr. Nacionales, kilala si Mo. Rosario sa payak na pamumuhay sa kabila ng pagiging mula sa mayaman at kilalang angkan sa Iloilo.
“Ang pinakamabuting gawin is to follow her [Mo. Rosario] example yun kasi ang pinaka outstanding virtue niya ang kanyang simplicity alam natin in her story, she was born into a well off family but she gave it up everything,” pahayag ni Sr. Nacionales sa Radio Veritas.
Aniya, bukod sa pagiging payak ni Venerable Mo. Rosario ay pinahahalagahan nito ang mga dukha at maysakit sa lipunan.
Tuwing Biyernes ay namamahagi ng bigas si Mo. Rosario sa mga mahihirap sa lalawigan.
Pinagyaman din ni Mo. Rosario ang buhay panalangin kaya pumasok ito sa pagiging lingkod ng Panginoon noong Enero 1914 at naging kasapi ng Dominican Order.
“Yung outstanding virtues [simplicity, charitable at prayerful life] pwedeng sundin at pwedeng gawing guide at maging inspiration ng ating mga kababayan lalo na ng mga Katoliko in their way of living,” paghimok pa ni Sr. Nacionales.
BUHAY NI VENERABLE MO. ROSARIO ARROYO DE LA VISITACION
Ipinanganak si Venerable Mo. Rosario noong February 17, 1884 sa Molo, Iloilo ng mag-asawang Ignacio Arroyo at Doña Maria Pidal na kilalang mga angkan sa nasabing lugar.
Ang mga kapatid ng madre ay kilala sa larangan ng politika nang maging senador si Jose Arroyo noong 1919 habang naging Gobernador naman si Mariano Arroyo noong 1928 sa Iloilo.
Sa kabila ng pagiging kilalang angkan ay nanatiling simple si Mo. Rosario at pinili ang buhay relihiyoso.
Minana ng founding directress ng Dominican Sisters of the Holy Rosary in the Philippines ang pagsagawa ng corporal works of mercy sa mga magulang nito.
Sa tulong ng mga Domikanong madre, nalikha ang Filipinong kongregasyon ng Dominican noong ika – 18 ng Pebrero 1927 at naging kauna-unahang Superioress General ng Kongregasyon sa unang General Chapter nito noong 1953.
Namayapa si Mo. Rosario noong ika – 14 ng Hunyo 1957 sa edad na 73 taong gulang.
Ang Dominican Sisters of the Holy Rosary in the Philippines ay patuloy na naglilingkod sa iba’t ibang Diyosesis sa Pilipinas at sa mga bansang Northern Mariana Islands, Kenya, Roma, Tuscany, Italy, at Estados Unidos.
Hiniling naman ni Sr. Nacionales sa mga mananampalataya ang patuloy na pangalangin para sa susunod na prosesong gagawin upang maging ganap na Santo si Venerable Mo. Rosario Arroyo de la Visitacion.
“Tulungan kami to pray further so that yung susunod na process o step is yung maghanap ng miracle para sa sunod na step na beatification,” ani pa ni Sr. Nacionales sa Radio Veritas.
Sa kasalukuyan may 6 na Venerable ang Pilipinas na patuloy na tinututukan ng Congregation for the Causes of Saints bago umusad sa susunod na prosesong beatification o pagiging Blessed.