243 total views
Umaasa ang obispo ng San Carlos Negros Occidental na may makakatulong sa mga biktimang mangingisda na binangga sa Reed Bank upang makamit ang katarungan.
Ayon kay Bishop Gerardo Alminaza, mahalagang mabigyan ng karampatang tulong ang 22 mangingisda upang higit maramdaman ang kalinga mula sa kapwa Filipino lalu na sa pamahalaan.
“Sana mayroon silang mahanap na nararapat na tumulong sa kanila, may kakayahang tumulong na ipaglaban ang kanilang karapatan,” bahagi ng pahayag ni Bishop Alminaza sa Radio Veritas.
Nawa ay magsilbi ring paalala sa pamalaan ng Pilipinas at maging sa international community na malaman ang tunay na kalagayan ng mga mangingisda sa bansa.
Kasabay ng paggunita sa ika 121 Araw ng Kalayaan ng Pilipinas ay binangga ng chinese vessel ang F/B GEM-VER 1 ang bangkang pangisda na pag-aari ng Filipino.
Halos 6 na oras palutang-lutang ang 22 sakay ng bangka makaraang takasan ng mga Tsino bago tuluyang mailigtas ng mga vietnamese na napadaan sa lugar.
Kasabay ng pagkilala ni Bishop Alminaza sa mga mangingisda bilang isa sa mahalagang sektor ng lipunan, ikinalungkot naman nito ang kalagayan ng mangingisda na napapabayaan at hindi pinahahalagahan ng pamahalaan.
“Kinikilala natin na malaki ang ating utang na loob sa ating mga mangingisda kasi sila yung isa sa nagpapakain sa atin pero in general sa mga sectors sila yung pinakamaralita talagang poor,” ayon pa sa obispo.
Umaasa rin si Bishop Alminaza na tutugunan at kikilos ang pamahalaan para suportahan ang mga mangingisdang Filipino sa paghahanap ng katarungan sa tila hindi makataong pagtingin ng mga Tsino sa mga Filipino partikular ang maliliit na sektor tulad ng mangingisda.
Hinimok ni Bishop Almiza ang mga mangingisda na magkaisa at pagtibayin ang samahan na ilahad sa publiko ang mga tunay na pangyayari upang makamit ang katarungan.