254 total views
Inihayag ng pinuno ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on the Laity na mahalaga ang paggunita sa ikalimang daang anibersaryo ng Katolisismo sa Pilipinas.
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, ginugunita dito ang pagyakap ng mga Filipino sa pananampalatayang Katoliko na patuloy na pinalalago sa kasalukuyan.
“Sine-celebrate natin ang pagdating ng pananampalataya hindi ang pagdating ng kolonyalismo,” pahayag ni Bishop Pabillo sa Pastoral Visit sa programang Barangay Simbayanan.
Paliwanag ng Obispo, ito ay pagbibigay linaw na rin sa pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte na hindi mahalaga ang naturang pagdiriwang sa halip ay alalahanin nito ang panlulupig, pananakop at pagpaslang ng mga dayuhan sa mga Filipinong nakipaglaban sa bayan.
Iginiit ni Bishop Pabillo na magkaiba ang kolonyalismo at pagdating ng Kristiyanismo sa Pilipinas.
Ayon sa Obispo, ito’y nauunawaan ng mga Filipino sapagkat higit isang sentenaryo na ang lumipas ng lumaya ang Pilipinas sa pananakop subalit patuloy na niyakap ng mamamayan ang pananampalatayang Kristiyano.
Binigyang diin pa ng Obispo na ang pagdiriwang ay pasasalamat sa Panginoon sa biyaya ng pananampalataya na higit pinagyayaman ng kasalukuyang henerasyon.
“Mag effort tayo na magdasal na itong celebration natin [500 Years of Chritianity] ay makapakinabang ang marami dahil ang layunin ng ating pagdiriwang is to thank the Lord to appreciate the gift kaya appreciate natin ang pananampalataya ang pagiging Kristiyano at pagiging Katoliko,” dagdag pa ni Bishop Pabillo.
Hinahamon ni Bishop Pabillo ang mananampalataya na mas maging tapat sa pananampalataya at palawakin ito sa pamamagitan ng pagbabahagi sa kapwa bilang pakikiisa sa misyon ni Hesus na maipalaganap ang Mabuting Balita sa bawat tao.
Taong 2021 ipagdiriwang ng Pilipinas ang 500 anibersaryo ng Kritiyanismo kung saan 2013 sinimulan ang paghahanda sa pamamagitan ng mga programang magpapayabong sa pananampalataya at ngayong taon ay inilaan sa ‘Year of the Youth’.
“Remember its thanksgiving, appreciation at challenge,” saad pa ni Bishop Pabillo.