210 total views
Ito ang hamon ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga kabataan sa isinagawang Holy Spirit Mass ng Roman Catholic Archdiocese of Manila Educational System, sa Manila Cathedral noong ika-19 ng Hunyo.
Inihayag ni Cardinal Tagle na ang mga kabataan ay mahusay sa larangan ng komunikasyon dahil sa kakayahan nitong sabayan ang iba’t-ibang nauuso sa social media.
Dahil dito, sinabi ng Kardinal na malaking kapakinabangan kung magagamit ito ng mga kabataan upang ipalaganap ang mga turo ni Hesus.
Naniniwala din ito na magagawa ng mga mag-aaral ang misyong ito sa tulong at paggabay ng Espiritu Santo na isinugo ng Panginoon.
“Pakiusap sa mga kabataan, kayo ang sanay na sanay sa communication, iba’t-ibang lengguwahe ang gamit n’yo… pero sana dahil hinihingi natin ang Espiritu Santo, ang maging lengguwahe, wika, salita ng mga kabataan, ay tungkol kay Hesus. Huwag kayong mahihiya na ipahayag si Hesus.” pahayag ni Cardinal Tagle.
Dagdag pa ng Kardinal, ang Espiritu Santo ay nananahan sa bawat isa upang ang mamutawi sa bibig ng mga mananampalataya ay katotohanan at masupil na ang paglaganap ng fake news.
Nilinaw nito na hindi nagmumula sa Espiritu Santo ang mga bulgar, mapanakit at mapanlait na mga salita.
Umaasa din si Cardinal Tagle na matigil na ang pangmamaliit at pang-aapi ng kapwa dahil ang bullying ay hindi gawa ng Espiritu Santo.
“Ang Espiritu Santo pinagsasalita tayo hindi para mag-chismis, hindi para manira, hindi para maging bulgar, hindi para mangmaliit ng kapwa, hindi para magpahayag ng fake news, hindi para mam-bully, hindi yan gawa ng Espiritu Santo.” Dagdag pa ng Kardinal.
Samantala, nanawagan din si Cardinal Tagle sa mga guro na nawa sa anumang asignatura na kanilang ituturo ay laging maakay nito ang mga mag-aaral patungo kay Hesus.
Hinamon nito ang mga guro na ituro sa mga kabataan ang tamang paggamit ng wika at ang pagiging totoo sa bawat binibitawang salita na nakaugat din sa katotohanang nagmumula sa Panginoon.
“Para sa mga teachers, anu man ang subject matter, make sure that what you are teaching are ideas, concepts, that leads the students to God, to Jesus. Ituro natin ang tamang paggamit ng wika at lalo na maging totoo sa salita. Kapag sinabi moa ng isang bagay, pangatawanan mo at siguruhin mong nakabatay sa katotohanan.” Pahayag ni Cardinal Tagle.
Inaanyayahan ng Kardinal ang mga estudyante at guro na panatilihin ang pagiging moral at disente sa kabila ng pagsabay sa mga uso.
Isinasagawa ang Holy Spirit Mass sa pagsisimula ng bagong taon ng pag-aaral upang hingin ang tulong at gabay ng Espiritu Santo sa buong taon ng pag-aaral ng mga bata at pagtuturo ng mga guro.
Sa tala, ang RCAM-ES ay mayroong tinatayang 28 kasaping mga Catholic Schools mula sa Maynila, Mandaluyong, Makati at San Juan City.