168 total views
Higit na magiging maayos at maunlad ang lalawigan ng Sorsogon kung walang kaguluhang nagaganap sa lalawigan sa pagitan ng pamahalaan at ng mga rebeldeng grupo.
Ito ang ibinahagi ni Sorsogon Bishop Arturo Bastes–Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Mission kaugnay sa magkasunod na pagpaslang sa ilang mga miyembro ng itinuturing na makakaliwang grupo sa Bicol region.
Ayon sa Obispo bukod sa patuloy ang pananalangin ng mga mananampalataya sa diyosesis na matapos na ang kaguluhan sa lalawigan ay manaig ang pagbibigay halaga sa buhay at karapatang pantao na tinututukan rin ng Simbahan sa Sorsogon ang pagkakaloob ng mga programa upang makatulong sa mga mahihirap na mamamayang naiipit sa kaguluhan .
“Sana kung walang turmoil, walang rebellion and then ang mga PNP, and military will have a respect for human life we’ll be in a better situation in Sorsogon I’m always praying for that kaya ang diocese mayroong programa kami na mission to intervene to help the poor,” ang bahagi ng pahayag ni Bishop Bastes sa panayam sa Radyo Veritas.
Nilinaw naman ng Obispo na bagamat mayroong tensyon sa pagitan ng mga rebeldeng grupo at pwersa ng pamahalaan ay kapwa may paggalang at maayos naman ang relasyon ng mga pulis, militar at mga miyembro ng mga rebeldeng grupo sa Simbahan.
Ayon kay Bishop Bastes, paggalang sa buhay ng bawat nilalang at sa kapwa Filipino ang kanyang laging paalala sa tuwing nag-uulat sa kanya ang mga pulis at militar sa sitwasyon ng lalawigan o kung may mayroon mga bagong opisyal ng pamahalaan sa Sorsogon.
“They come here to me and report to me both the PNP and military especially kung may bagong commander they will see to it that they will visit the Bishop of course when I give them my exhortation sinasabi ko sa kanila na ‘Respect for human life, Respect of Filipino brothers’ and there is an effect on that because at least meron silang respeto sa Simbahan,” dagdag pa ni Bishop Bastes.
Paliwanag pa ni Bishop Bastes, batid din ng mga rebeldeng grupo ang mga programa ng Simbahan partikular na ng diyosesis upang makatulong sa pagpapaangat ng buhay ng mga mamamayan at iba pang mga nangangailangan sa lalawigan ng hindi tinitingnan ang posisyon o paninindigang pampulitika ng bawat isa.
“Ang mga NPA naman sila meron silang very good respect for the church because they know na sa programa sa aming diocese we address (them), we have social action department, we have commission on the action for the poor at saka mayroon kaming mga activities endear of the poor kaya they know that the diocese is there to help them kaya they have a very good respect sa mga Pari, sa mga Obispo, sa mga Madre,” ayon pa sa obispo.
Pinangunahan din ni Bishop Bastes ang pag-aalay ng banal na misa para sa dalawang human rights workers ng grupong Karapatan na sina Ryan Hubilla at Nelly Bagasala na kapwa pinaslang ng hindi pa nakikilalang salarin sa Sorsogon noong nakalipas na Sabado ika-15 ng Hunyo.
Nauna nang hinimok ng Kanyang Kabanalan Francisco ang bawat isa na maging daan sa negosasyon at patuloy na gumawa ng hakbang sa kapayapaan para sa kapakanan ng bawat mamamayan at sa kinabukasan ng buong bayan.