6,883 total views
Homily
Manila Abp. Luis Antonio Cardinal Tagle
Dakilang Kapistahan ng Corpus Christi
Archdiocesan Shrine of the Blessed Sacrament,
Sta. Cruz Parish
June 23, 2019
Mga minamahal na kapatid sa pananampalataya, tayo po ay magpasalamat sa Diyos, na S’yang nagtipon sa atin bilang isang simbahan, sambayanan, isang pamilya ng pananampalataya, at tayo po ay nagpapasalamat din sa biyaya ng Eukaristiya.
Nandito po tayo sa Archdiocesan Shrine of the Blessed Sacrament, kaya napakaganda na dito tayo nagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Banal na Katawan at Dugo ni Hesus.
At sa taong ito rin po, buwan ng Hunyo ay ipinagdiwang ng simbahang ito ng parokyang ito ang kanyang ika-400 anibersaryo. Pwedeng malaman sino sa inyo ang nandito na nang itinayo ang parokyang ito? Wala? Sayang, magbibigay sana ng 400-thousand [pesos] sa buhay pa mula noon hanggang ngayon. Father okay lang? (laughter)
Eukaristiya.Minsan ang dami-dami nating paliwanag pero sa bandang huli, ang Eukaristiya ay si Hesus. S’ya ang ating pinagpapasalamat. S’ya ang dahilan ng ating pagpapasalamat sa Diyos, dahil S’ya ang ibinigay ng Diyos. S’ya ang pinagpapasalamat, S’ya yung kinikilala na galing sa Diyos at S’ya rin yung pagpipira-pirasuhin upang maging buhay na pagsasaluhan ng sambayanan.
Minsan nakakalito na ang maraming mga aklat at mga sulating dalubhasa pero sa bandang huli nakakalimutan, ang Eukaristiya ay si Hesus. Ang tinapay ng buhay na galing sa Ama at binigay sa atin, si Hesus. Ang naggawa ng bagong tipan sa Diyos sa pamamagitan ng Kan’yang dugo.
Sa pagdiriwang po natin ngayon ng Corpus Christi, Corpus Domini, balik tayo kay Hesus. Hindi sapat na alam natin ang seremonya, alam natin kailan tatayo, alam natin kailan uupo, sa bandang huli ang tanong, “Nakikilala ba natin di Hesus?” “Talaga bang tinatanggap natin S’ya? “Talaga bang S’ya ang nagiging buhay natin?”
Sa mga pagbasa natin sa araw na ito, makikita natin ang napaka yaman na presensya ni Hesus, presensyang Eukaristika. Ibig ko lang pong magbigay pansin sa dalawan.
Una, sa mga pagbasa, kitang-kita natin na ang presensya ni Hesus, ang presensya ng Diyos ay sa pamamagitan ng simpleng tinapay, alak, at sa ebanghelyo, tinapay at isda. Nakikita ko lahat tayo, gaganyan-ganyan [nagpapaypay] pagkainit-init. Buti ho kami may bentilador, pero sa totoo lang, kahit tatlo yung bentilador, talagang tumatagaktak pa rin ang pawis mo, patong-patong ho kasi yung suot namin. Pero hindi yun, higit kalahati na ng Hunyo, ganito pa rin, ano ho?
Ang presensya ni Hesus ay nasa simple, simpleng mga nilikha ng Diyos. Galing din sa Diyos ang tinapay, ang alak, ang isda. Galing sa Diyos, regalo ng Diyos upang sa pamamagitan ng simpleng mga nilikha, ang Kan’yang pag-ibig, ang Kan’yang pagkalinga, ang Kan’yang pag aaruga sa atin ay maramdaman.
Kaya nga sa unang pagbasa, pinapurihan ni Melchizedek ang Diyos na lumikha. Ang nilikha, tinapay, alak at gawa ng kamay ng tao ay hindi basta tinapay, hindi basta alak. Iyan ay nilalang ng Diyos, dapat kilalanin na galing sa Diyos at magiging presensya ni Hesus.
Sa ngalan po ng mga kabataan, nakikiusap po ako sa ating lahat pahalagahan ang kalikasan, pahalagahan ang ating mundo, dahil galing yan sa Diyos, regalo. Ang regalo hindi sinisira. Ang regalo pinahahalagahan. Pero kapag ang tingin na natin, tinapay lang naman yan, lupa lang naman yan, butil lang naman yan, at hindi na ito kukunin sa kamay at iaakyat sa langit bilang pasasalamat, wala binura natin ang Diyos, binura natin ang kilos N’ya para tayo regaluhan at lalapastanganin na ang simpleng nilikha.
Pero hindi ganyan ang Diyos, sa pamamagitan ni Kristo, simpleng tinapay, simpleng alak, simpleng isda naging presensya ng Kan’yang pagmamahal. Pyesta ngayon, mamaya prusisyon hanggang Manila Cathedral, sana naman walang kalat. Nakakapagtaka, kung kailan may malaking piyesta ang simbahan, marami ring kalat. Kung kailan tayo nagpapasalamat sa Diyos sa tinapay, na bunga ng lupa at gawa ng tao, sa alak na bunga ng lupa at gawa ng tao, tayo naman nagpapakita, walang pag-aalaga, pag-aalaga sa bigay ng Diyos.
Alalahanin natin, kinuha ni Hesus sa Kan’yang kamay ang simpleng tinapay, simpeng alak at yun ay naging Kan’yang katawan at dugo. Sabi ko nga, kung tayong lahat magiging maalaga sa ating kapaligiran, pati sa simbahan, hindi naman natin kailangan ng janitor. Kailangan lang ng janitor kasi makalat ang tao. Tapos papasok tayo ang linis-linis ng Sta. Cruz Church. Malinis ang Sta. Cruz Church kasi merong binabayarang tagalinis ng mga basura na ating iniiwan d’yan! Lilinis talaga ang paligid, kung tayo ang malinis, at hindi mang-uupa ng iba para linisin ang ating iniiwang dumi!
Eukaristiya. At yun ikalawa po, nung kinuha ni Hesus ang simpleng tinapay at alak, kailan? Sabi sa ikalawang pagbasa noong gabing ipinagkanulo S’ya. Gabi na madilim hindi lamang dahil gabi na, lalong dumilim kasi gabi ng pagtataksil.
Pagtataksil ng kaibigan, pagtataksil ng alagad. At sa ebanghelyo, gabi na rin, at malayo pa ang uuwian ng mga nakinig kay Hesus. Gabi na maaaring maging mahabang gabi ng pagkagutom, pagkahimatay sa daan, at maaaring may mamatay.
Pero sa mga ganyang gabi, si Hesus may gagawin, sa pamamagitan ng simpleng tinapay at alak. Sabi ni San Pablo, sa gabi na si Hesus ay pinagtaksilan, ginawa N’ya, ang tugon N’ya sa pagtataksil sa Kan’ya hindi paghihiganti, hindi galit.
Papano N’ya tinugunan ang napakasakit at napakasama na pagtataksil? Inialay N’ya ang Kan’yang sarili. Parang sinasabi N’ya sa mga nagbebenta sa Kan’ya, binebenta S’ya, sabi N’ya, “Hindi n’yo na ko kailangang ibenta, kasi ibibigay ko ang Aking sarili, kahit walang perang kapalit. Hindi ko kailangan ng pera para ibigay ko ang sarili ko, ang sarili ko ay regalo ng Ama sa inyo.”
Kung papaanong ang tinapay at alak at ang isda ay regalo ng Ama, Ako rin, ang Aking katawan ay regalo para sa inyo, ang Aking dugo ay handog para sa inyo, at ‘yan ang hamon N’ya sa mga alagad sa ebanghelyo. Yung mga alagad sabi, “pauwiin mo na yung mga limang libong tao.” Palagay ko ang talagang pakay ng mga alagad ay, “gusto na naming magpahinga, pauwiin mo na yang mga yan, para naman maka rest kami, para makapanood na kami ng telenobela, para magawa na namin ang aming recreation, paalisin na! paalisin na!” Pero hindi naman nila sasabihin yun, sabi nila, “kawawa naman, baka gabihin, magugutom sila, para makakain sila sa bahay nila, at saka wala naman tayong sapat na pera kung tayo ang magpapakain.”
Kunwari ay malasakit, pero nabasa ni Hesus ang dilim ng gabi, ito ay isang uri rin ng pagtataksil. Indifference, hayaan na sila, at kumuha na naman si Hesus, tinapay at isda. Simple. Ano ang mahalaga? Kahit simple ang tinapay, ang alak at ang isda, ang mahalaga ang kamay ay kumikilala sa Diyos.
Panginoon galing ito sa iyo, at ito ay mananatiling handog ng pag-ibig para maging buhay ng iba.” Gusto ni Hesus ang Kan’yang ginawa na ihandog ang Kan’yang buhay, gawin din ng Kan’yang mga alagad, “kayo ang magpakain.”
Ako nga ibinibigay ko ang aking sarili para sa inyo, kayo rin ibigay ninyo ang inyong sarili para sa kanila. “Lilima ang tinapay namin.” Walang problema yan, kahit liman tinapay, pagnapunta sa mapagpala at mapagbigay na kamay, makakakain ang limang libo. Hindi po problema ng tinapay, ang problema, kamay. Kapa gang kamay, mapagbigay, makakakain lahat. Pero kapag ang kamay, mapagkamkam, maraming magugutom.
Baliktarin natin yung kwento, sa ebanghelyo, limang libo ang kakain, limang tinapay, sumobra pa, kasi yung kamay ni Hesus at ang kamay ng alagad, hindi [madamot]. Pag walang nakakita, [itatago ang pagkain]. Pagtataksil yan ha, kurapsyon! Baliktarin natin, kahit lima lamang ang kakain at limang libo ang tinapay, kapag dumaan sa kamay na corrupt, yung limang ‘yon walang makakain, hindi problema ng tinapay, problema ng kamay.
Pakitingin nga ng kamay [ninyo], tignan ninyo, anong kamay ba yan? Ano bang mga kamay natin? Sana sa pamamagitan ng ating kamay, ang mga gabi ng pagtataksil, matigil na at maging gabi ng handog ng buhay. Sana sa pamamagitan ng ating kamay, ang mga gabi ng pagwawalang bahala sa kapwa ay matigil na umuwi sa milagro, ng pagbabahaginan na makakakain ang lahat at may sobra pa para sa almusal.
Eukaristiya si Hesus. Ang ginawa ni Hesus, sabi N’ya, gawin ninyo sa pag-alaala sa akin. Tayo po simba ng simba, adoration, ayan ha. Baka sumisimba, pero taksil naman pala. Nag-a-adoration pero wala naman palang pakialam, ayaw magbahagi. Narinig natin, “gawin ninyo ito sa pag-alaala sa akin” At tayong lahat magiging katawan ni Kristo.
Buhay sa kasaysayan at sa pamamagitan ng Eukaristiya at ng Kan’yang simbahan, hariwana ang pangako ni Hesus, “ako ay kapiling ninyo, hanggang sa katapusan ng mundo.” iyan ay magaganap.
Through our sharing hopefully, the presence of Jesus, will be more felt, seen, and experienced, by people who go through dark nights of betrayal and indifference. Tayo po’y tumahimik sandali, at tumingin muli kay Hesus at hilingin natin ang biyaya na gawin natin ang Kan’yang ginawa bilang pag-alaala sa Kan’ya.