273 total views
Labis ang pasalamat ni Novaliches Bishop Emeritus Antonio Tobias sa mga mananampalataya ng Diyosesis sa pagtanggap at pagsuporta sa kanyang pamamahala ng halos dalawang dekada.
Ayon sa Obispo, tunay na naramdaman ang pagmamahal ng Diyos sa kanyang paglilingkod sa kawan at buong suporta na ipinakita ng mananampalataya at mga Paring katuwang sa kanyang misyon.
“Thank you! Salamat po sa inyo for all your kindness to me; these are God signs of his goodness in me,” mensahe ni Bishop Tobias.
Partikular na binanggit ni Bishop Tobias ang mga kasapi ng Novaliches Curia at mga Pari na nakiisa sa mga proyekto ng Diyosesis at pagsunod sa mga polisiyang ipinatupad.
Sa tribute and thanksgivng na inihanda ng Diyosesis, nagbalik tanaw si Bishop Tobias sa pinagdadaanang misyon bilang pari ng mahigit 5 dekada at Obispo ng 36 na taon.
PAYO AT HABILIN
Sa paghirang ng bagong pinuno ng Diyosesis nagpasalamat si Bishop Tobias kay Pope Francis dahil pormal nang tinanggap ang pagretiro nito makaraang maabot ang madatory retirement age na 75 taong gulang.
Ika – 6 ng Hunyo na hiranging bagong Obispo ng Novaliches si Rev. Fr. Roberto Gaa na kasalukuyang rector ng Holy Apostles Senior Seminary.
Payo ni Bishop Emeritus Tobias kay Bishop – elect Gaa na pakinggan ang mga idinudulog ng mga Pari na isa sa mga susi ng mabuting pamamahala at pagkaroon ng maayos na ugnayan.
“Fr. Robbie, just consult them [clergy] and explain, listen to them and then adjust,” saad pa ni Bishop Tobias.
Habilin naman ni Bishop Tobias sa mga Pari ng Diyosesis at sa halos 2 milyong Katoliko na alagaan ang bagong Obispo, pakinggan ang mga payo at sundin mga polisiyang ipatutupad para sa kabutihan ng lahat.
AI.HEART.RCBN
Nagpasalamat din si Bishop Tobias sa higit sampung libong indibidwal na nakiisa sa benefit concert at tribute na ginanap sa Araneta Coliseum noong ika – 24 ng Hunyo dahil sa pagpapamalas ng pagmamahal.
Partikular na binanggit ng Obispo si Comedy Queen at Singer actress Aiai Delas Alas na nanguna sa pagtatangghal bilang pasasalamat din sa ika – 30 anibersaryo sa larangan ng pag-arte.
“Papasalamat ako sa lahat ng mga parokyano lalo na sa mga performing artist na kinabibilangan nila Erik Santos at ni Aiai [Delas Alas] especially, this [AI.HEART.RCBN concert] is a very good expression ng kanilang appreciation sa akin pero more than that I appreciate the people ang kanilang dedikasyon,” pahayag ni Bishop Tobias sa Radio Veritas.
Muling umapela ang dating Obispo ng Novaliches sa mamamayan na patuloy suportahan ang kasalukuyang proyekto ng Diyosesis ang pagpapatayo ng Kristong Hari Shrine for the Youth sa Commonwealth Avenue Quezon City upang matapos na ang tahanan ng Panginoon na inilaan para sa kabataan.
Ang lahat ng kinita sa konsyerto ni Delas Alas ay mapupunta sa construction ng Kristong Hari na nangangailangan pa ng 250 – milyong piso para tuluyang matapos ang Simbahan.