308 total views
Nagpahayag ng kalungkutan at pakikiramay si Baguio Bishop Victor Bendico sa pagpanaw ni Baguio Bishop-emeritus Carlito Cenzon.
Si Bishop Cenzon ay pumanaw sa edad na 80 taong gulang na kasalukuyang naninirahan sa Congregation of the Immaculate Heart of Mary (CICM) provincial house sa Quezon City.
“I would like to express my gratitude to the CICM community for Bishop Cenzon especially during his last years when he was staying there at the provincial house in Quezon City,” ayon kay Bishop Bendico.
Tiniyak din ni Bishop Bendico ang patuloy na panalangin para sa kaluluwa ng yumaong Obispo, gayundin ang kalakasan para sa kanyang naiwang pamilya at mga mahal sa buhay.
“So we are one with them constantly praying for for the soul of Bishop Cenzon especially this time of bereavement,” ayon kay Bishop Bendico sa panayam ng Radio Veritas.
Si Bishop-emeritus Cenzon ay kasalukuyang nakaburol sa CICM Provincial House sa New Manila, Quezon City simula ngayong araw (June 27) hanggang sa ika-30 ng Hunyo.
Dadalhin ang labi ng Obispo sa St. Williams Cathedral sa Tabuk, Kalinga at mananatili doon hanggang sa ika-2 ng Hulyo.
Dadalhin din ang labi ng namayapang Obispo sa Our Lady of Atonement Cathedral at mananatili doon hanggang sa ika-6 ng Hulyo.
Ayon sa Facebook post ng Diocese ng Baguio, isasagawa ang Necrological service alas-4 ng hapon, ika-5 ng Hulyo.
Sa Sabado isasagawa ang funeral mass alas-8:30 ng umaga at ihahatid sa kaniyang huling hantungan sa Maryhurst Seminary, CICM cemetery sa Lucnab Baguio City ang Obispo.
Si Bishop Cenzon ay isinilang sa Baguio City noong 1939, inordinahang pari ng Congregation of the Immaculate Heart of Mary (CICM) taong 1965.
Inordinahang Obispo ng 1992 at pinamunuan ang diyosesis ng Baguio simula 2005 hanggang sa kaniyang pagreretiro noong 2016.
Si Bishop Cenzon ay kilala rin bilang tagapagtanggol ng kalikasan kung saan pinangunahan niya ang pagsusumite ng Writ of Kalikasan sa Mt. Santo Tomas sa Supreme Court dahil sa tinamong pinsala ng kabundukan at dahil dito, nagawaran Permanent Protection Order taong 2014 upang mapangalagaan ang mga watershed.
Ang butihing obispo rin ay masipag sa pagpapahayag ng Mabuting Balita ng Diyos na dinala rin ang pananampalataya maging sa mga naninirahan sa bulubunduking lugar ng Cordillera.