448 total views
Nanindigan ang Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Prison and Pastoral Care na hindi makatutulong ang pagbabalik ng parusang kamatayan sa bansa.
Ayon kay Bro. Rudy Diamante – Executive Secretary ng kumisyon, patuloy na maninindigan ang Simbahan na hindi solusyon ang death penalty upang mabawasan ang karahasan at krimen sa lipunan.
Iginiit ni Diamante na mahalagang gunitain at alalahanin ang tuluyang pagsasantabi ng dating administrasyong Arroyo sa parusang kamatayan na isang makataaong tugon sa pagsasaayos ng lipunan.
“June 24 po nilagdaan nung dating Presidente si Gloria Macapagal Arroyo yung pagtanggal sa parusang bitay at gusto po naming i-commemorate ito to remind once more the government that we have abolished really and it has done as good by abolishing it kasi mayroon pong gusto na namang ibalik…” pahayag ni Diamante sa panayam sa Radyo Veritas.
Matatandaang taong 1987 nang unang ipag-utos ng dating Pangulong Corazon Aquino ang pagbawi sa death penalty, bagama’t muling naipatupad sa Ramos Administration hanggang sa Estrada Administration kung saan noong 1999 ay pinatawan ng Lethal Injection si Leo Echagaray sa kasong panggagahasa.
Taong 2000 naman nang ipatupad ng dating Pangulong Estrada ang moratorium para sa death penalty at tuluyang ng isinantabi ni dating Pangulong Gloria Arroyo noong June 24, 2006 kung saan pinababa sa habang buhay na pagkakulong ang ipinataw sa may higit isang libong preso na may parusang kamatayan.
Batay sa tala ng Amnesty International, nasa 140- bansa na rin ang nag-abolish sa kanilang parusang kamatayan.
Gayunpaman bukod sa parusahang kamatayan ay nauna na ring inihayag ng Kanyang Kabanalan Francisco ang hindi pagsang-ayon sa hatol na habang buhay na pagkabilanggo ay labag sa dignidad ng tao at pagkakataong muling makapagbago.